Hinihikayat na mag-nurse
Dear Dr. Love,
Nasa lahi namin halos ang pagiging nurse. Mula sa lola, tito, tita, at mga pinsan ko ay pawang mga nurses. Lahat din sila ay nasa iba’t ibang bansa na mararangya ang buhay. Kaya bilang anak ng nanay ko ay pinagpipilitan niya na kursong nurse rin ang kunin ko.
Or at least daw sa kahit anong medical field na basta pangarap nila ng tatay ko na magsusuot din ako ng puting uniprome.
Dahil ang nanay ko na lang ang walang entry na anak niya na nagiging nurse sa kanilang magkakapatid.
Bilang panganay, panay ang pangungulit niya na mag-nurse rin ako katulad niya. Kaso po, hindi ako kasing talino at kasing lakas ng loob nila para mag-nurse rin.
Paano ba matatanggap ng magulang ko na hindi ko kapalaran ang maging nurse.
Ally
Dear Ally,
Walang problema na hindi nakukuha sa masinsinang usapan. Huwag mong maliitin ang sarili mo. Tandaan mo, bawat tao ay may aking husay at galing, kaya hindi dapat ikumpara ang isa sa isa pa.
Naniniwala ako na sa magalang na pagpapaliwanag sa kanila na hindi para sa iyo ang anumang medical field lalo na ang pagiging nurse, ay masusumpungan mo ang unawa. Dahil sa huli, magkakaiba ba man, pinagbubuklod ng ugnayan ang magkakapamilya.
Pasasaan ba’t maiintindihan ka nila. Dahil hindi naman na ngangahulugan na porket hindi gaya ng karamihan, na kursong nurse ang tinapos ay wala ka nang maaasahang masaganang buhay.
Tandaan mo, kung anuman ang mapipili mong kurso ay paghusayan mo ito. Para patunayan sa kanila na magiging maayos pa rin ang buhay mo, kahit hindi nursing ang kukunin mo.
Dr. Love
- Latest

















