Tamang hinala, mali naman
Dear Dr. Love,
Problema ko po ang aking misis. Nitong mga nakaraang rawa ay kapansin-pansin ang masyado niyang pagduda sa akin.
Kung anu-anong kuwento ang ginagawa niya tungkol sa akin sa isa naming kumare. Naku! talagang naman, Dr. Love...tamang hina lagi, mali naman!
Nagpapagawa po ng bahay ang kumare namin. Natural, dahil ako ang gumagawa at sa maraming araw ay nasa eskwelahan ang kanyang mga anak, kaming dalawa ang madalas na iiwan sa kanyang bahay.
Single mother siya kasi siya, kaya wala siyang maasahang asawa na gagawa sa loob ng bahay.
Dr. Love, malinis po ang konsensiya ko na wala kaming ginagawang masama. Wala rin kaming relasyon ng kumare namin gaya nang sinasabi ng sarili kong asawa. Nakakahiya lang po talaga.
Ito ang masamang bisyo ng misis ko, laging gumagawa ng kuwento.
Paano ko po ba mapipigilan ang tamang hinala niya?
Elmo
Dear Elmo,
Hindi mo tinukoy kung anong klase ng paggawa ang ginagawa mo sa bahay ng kumare ninyo, pero pagpalagay na isa kang karpintero. Ang dapat mong gawin ay patunayab sa misis mo na trabaho lang ang sadya mo sa bahay ng inyong kumare, at wala siyang dapat ipag-alala para mapanatag siya.
Huwag mong sisirain ang pagtitiwala niya sa iyo. Tulungan mo siyang maging busy nang hindi siya nag-iisip ng masama tungkol sa iyo.
Isama mo siya sa iyong trabaho kung malapit lang sa inyo, para patunayan ang malinis mong konsensiya.
Maaaring nagseselos lang si misis kaya kung anu-ano ang kanyang naiisip.
Dr. Love
- Latest




















