Paano maibabalik ang sigla?
Dear Dr. Love,
Ako po si Ruby. Isa po akong magulang na lubos na nag-aalala sa aking anak. Dati po siyang masipag mag-aral, puno ng pangarap, at masayahin. Ngunit simula nang mabigo siya sa pag-ibig, tila nagbago ang lahat. Ayaw na niyang pumasok sa paaralan, palaging tahimik, at mas gusto na lang mag-isa.
Sinubukan po naming kausapin siya, pero madalas ay umiwas o umiiyak lang. Bilang magulang, masakit po na makita ang anak na unti-unting nawawalan ng gana sa buhay dahil lamang sa isang pagkabigo. Hindi ko po alam kung paano siya muling babangon at paano ko siya tutulungan nang hindi siya nasasaktan.
Ano po ang maaari naming gawin para maibalik ang kanyang sigla at pagmamahal sa pag-aaral?
Ruby
Dear Ruby,
Ang pagkabigo sa pag-ibig ay tunay na masakit, lalo na sa kabataan na unang beses pa lamang humaharap sa ganitong uri ng sugat. Mahalaga po na huwag ninyong maliitin ang kanyang nararamdaman. Para sa kanya, tunay at mabigat ang sakit na iyon.
Una, iparamdam ninyo na ligtas siyang maglabas ng damdamin. Hindi kailangang pilitin agad siyang mag-aral o magpakatatag. Minsan, ang pinakamabisang gamot ay ang pakikinig—walang sermon, walang husga.
Ikalawa, paalalahanan siya na ang pag-kabigo ay hindi katapusan ng buhay kundi bahagi ng paglago. Hindi man niya ito makita ngayon, darating ang araw na mauunawaan niya na mas malawak pa ang mundo sa labas ng sakit na kanyang dinaranas.
Ikatlo, ibalik ninyo siya sa maliliit na hakbang: isang araw na pumasok, isang subject lang muna, isang ngiti sa isang araw. Unti-unti, babalik ang sigla. At higit sa lahat, iparamdam ninyo na ang pagmamahal ng magulang ay hindi kailan man nabibigo, kahit pa sa pag-ibig ng iba ay nasaktan siya.
Tandaan: ang pusong sugatan ay guma-
galing sa tamang panahon, sa tamang pag-aaruga, at sa tunay na pagmamahal.
DR. LOVE
- Latest

















