Mahilig sa Feng Shui
Dear Dr. Love,
Ako po si Efren, isang mister na halos araw-araw ay nagiging construction worker sa bahay—hindi dahil may renovation, kundi dahil sa misis kong certified feng shui master!
Isipin n’yo na lang, Dr. Love...tuwing gabi bago matulog, hindi ako makatulog agad kasi kailangan muna naming i-check kung nasa tamang direksyon ang kama. Kung mali raw ang pwesto, baka raw mag-away kami. Eh ang ending, nag-aaway nga kami kasi pagod na akong maglipat ng kama!
Minsan gusto kong bumili ng bagong TV, pero sabi ng misis ko, “Huwag! Hindi ‘yan aligned sa positive energy ng sala.” Kaya imbes na flat screen, nag-flat na lang ang bulsa ko.
At eto pa, Dr. Love… kahit ang pusa namin, may feng shui! Kailangan daw nakaharap siya sa north para maging maswerte. Eh ang problema, ‘yung pusa namin, nakaharap sa south—kaya siguro lagi akong minamalas sa sugal.
Ang tanong ko po, paano ko ba mapapaniwala ang misis ko na hindi lahat ng bagay ay dapat i-feng shui?
Efren
Dear Efren,
Ang payo ko, imbes na kontrahin, makisakay ka pagfu-feng shui ng misis mo.
Sabihin mo, “Honey, kung ililipat natin ang TV sa tamang direksyon, baka mas lumakas ang signal ng NBA games!” O kaya, gawin mo na lang itong bonding activity. Isipin mo, imbes na mag-date kayo sa labas, mag-date kayo sa sala habang nagbubuhat ng sofa. Libre na, exercise pa!
Tandaan mo, sa feng shui man o hindi, ang pinakamahalagang direksyon ay ‘yung patungo sa puso ng isa’t isa.
Kaya kahit saan pa nakaharap ang kama, kung magkatabi kayo ng misis mo, siguradong nasa tamang alignment ang pagmamahalan ninyo.
DR. LOVE
- Latest

















