‘Di approve ang sexy dress
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lamang po akong Anna, 28-anyos at tatlong taon nang kasal. Ang problema ko po ay tungkol sa aking asawa. Nitong mga nakaraang buwan, sinisikap kong mag-ayos ng sarili.
Gusto ko kasing ibalik ang kompiyansa ko sa katawan lalo na’t kapapanganak ko lang noong isang taon.
Ang kaso, si mister ay sobrang higpit. Ayaw niya akong payagang magsuot ng mga damit na medyo “sexy look” o kahit iyong mga fit lang na damit man lang.
Gusto niya ay palagi akong balot na balot o kaya ay “manang” manamit kapag lumalabas kami.
Minsan, kapag nag-aayos ako at nagla-lagay ng kaunting makeup o nagsusuot ng dress na lagpas tuhod naman, nagagalit siya.
Sinasabi niyang, “sino ba ang pino-pormahan mo?” o kaya ay “masyado kang agaw-atensyon.”
Nasasaktan po ako dahil ang gusto ko lang naman ay maging maganda sa paningin niya at maging proud sa sarili ko.
Pakiramdam ko ay kinukulong niya ang pagkatao ko at nawawalan ako ng kalayaang maging masaya sa hitsura ko.
Anna
Dear Anna,
Kadalasan, ang pagbabawal ng asawa ay hindi dahil sa ayaw niyang maging maganda ka, kundi dahil sa sarili niyang insecurity. Maaaring natatakot siya na kapag nag-ayos ka, ay mas tumingin sa iyo ang ibang lalaki at baka maagaw ka sa kanya.
Ang tawag diyan ay “over protectiveness” na nauuwi sa kontrol.
Huwag kang makipagtalo sa gitna ng pagbibihis ninyo dahil emosyonal ang paligid sa oras na iyon.
Humanap ka ng timing kung kailan relaxed kayong dalawa.
Baka kailangan lang ni mister ng kaunting lambing at kasiguruhan. Iparamdam mo sa kanya na kahit gaano ka pa ka-sexy o kaganda sa labas, siya lang ang may-ari ng puso mo.
Minsan, kapag kampante ang lalaki sa pagmamahal ng asawa, lumuluwag din ang kanilang hawak.
Subukan ninyong mag-meet sa gitna. Halimbawa, sabihin mo sa kanya na kapag kayong dalawa lang ang lalabas, hahayaan ka niyang magsuot ng gusto mo.
Sa ganitong paraan, mararamdaman niyang espesyal siya dahil sa kanya mo lang ipinapakita ang iyong sexy na porma.
Tandaan mo, ang pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang tao na nagtutulungang lumago—hindi pagsasama kung saan ikinukulong ang isa.
Kung ang pagbabawal niya ay umaabot na sa punto na nawawala na ang respeto sa iyong desisyon, higit ninyong kailangan na pag-usapan ang boundaries ng inyong relasyon.
Ang tunay na pagmamahal ay nagtitiwala. Kung mahal ka niya, dapat siya ang numero unong tagahanga mo, hindi ang numero unong kritiko mo.
Mag-ayos ka dahil deserve mo iyan.
DR. LOVE
- Latest

















