Nawawalan ng gana
Dear Dr. Love,
Maaga akong napasabak na magtrabaho sa edad na 19 years old.
Ngayong 35 years old na ako at may magandang posisyon sa trabaho ay parang nawawalan na ako ng ganang mag-work.
Wala na akong interes sa mga dati ko nang ginagawa, parang hindi na ako masaya. Marahil ito ang ugat kung kaya humantong ako sa pagkakaroon ng depression, bagaman na-overcome ko naman na ang tungkol dito.
Siguro kung iisa-isahin, makikita na halos lahat na ng excuse na nagamit ko na para lang magkapag-absent o makapag-file ng leave sa aming opisina.
Sa bahaging ito ng buhay ko, nakakaramdam ako ng hiya kaya hindi ko magawang makapag-open kahit sa aking asawa.
Talagang masasabi ko na malaking pagsubok ang bagay na ito sa akin.
Pagpayuhan mo sana ako kung ano ang pinamabuting gawin ko para mawala ang panlalamig ko sa trabaho.
Mike
Dear Mike,
Sa panahon ngayon kung saan maraming bagay ang umuukopa sa isip ng isang tao, hindi malayong makaranas ng depression. Kung susuriin mo, sa maraming bahagi ng mundo, isang malaking hamon sa maraming indibiduwal, lalo na sa hanay ng mga kabataan ang pagkakaroon ng depression.
Pero hindi naman dapat magtiis sa ganitong situwasyon, dahil may matatakbuhan ng tulong—ang mga espesyalista sa kalusugang mental, gaya ng psychologist o psychiatrist, na siyang makapagbibigay sa’yo ng professional care kung paano mo malalampasan ang depression.
Bukod dito, ang maipapayo ko ay pagsikapan mo na iba-ling sa higit na kapaki-pakinabang na bagay ang iyong atensiyon. Halimbawa, subukan mo na magkaroon ng involvement sa sports, sa mga gawaing pang-komunidad o kaya’y mga kawang-gawa.
Pwede rin naman na tuklasin mo ang gawain na kawiwilihan mo gaya ng bagong hobby o kaya’y kakayahan, baga may inner artist side ka na pwede mo i-explore.
Kung sa tingin mo ay nahihirapan ka magsimula, maaring hingin mo ang tulong ng isang kapamilya o malapit na kaibigan para samahan ka bilang support system.
Higit sa lahat sa bawat paghakbang mo, ilatag po sa ating Maykapal na siyang pinanggagalingan ng lahat ng mabubuting bagay.
Hangad ko ang pagbuti ng iyong kondisyon.
Dr. Love
- Latest






















