Biyuda, in love sa batang DI
Dear Dr. Love,
May 10 taon na akong biyuda sa edad na 50 years old. Namatay sa sakit ang mister ko at wala kaming naging anak. Buy and sell ng kung anu-anong kalakal ang pinasok kong trabaho at sinuwerte naman ako sa hanapbuhay kong ito.
Hanggang sa nakapasok ako sa mga real state business na nagpayaman sa akin. Binago nito ang marami sa buhay ko at naging magaan ang bawat araw ko.
Tuwing weekend ang naging pinaka-liba-ngan ko ay ang ballroom dancing.
Dito ko nakilala si Andy, 26 years old, isang dance instructor. Niligawan niya ako at hindi ko akalain na kikiligin pa ako kaya sinagot ko siya. Sa obserbasyon ko, Dr. Love mas nagbago at mas naging makulay ang mundo ko nang dumating sa buhay ko si Andy.
Talagang maligaya ako sa aming relasyon. Ang nakakapagpabagabag lang sa akin ay an problema ko sa aking mga kapatid at iba pang mga kaanak na tutol sa aming relasyon ni Andy. Para sa kanila ay kinukuwartahan lang daw ako ng boyfriend ko.
Bagamat alam ko na nag-uugat ang ganong salita nila sa pag-aalala sa akin, nasasaktan ako, Dr. Love. Kasi mahal ko ang lalaking pinatutungkulan ng kanilang mga negatibong salita.
Tulungan mo, Dr. Love kung ano ang dapat kong gawin.
Beng
Dear Beng,
Sa edad mo, natitiyak ko na may malawak ka nang karanasan sa buhay. At naniniwala ako na matutukoy mo na ang mga bagay na makakabuti o makakasama sa’yo.
Kaya lamang sa mga sandali na lunod ang isang tao sa emosyon, karaniwang naoobserbahan na nawawala ang makatuwiran niyang pag-iisip.
Para sa akin hindi mo maiaalis ang pa-ngamba ng miyembro ng iyong pamilya, na iniisip ang kapakanan patungkol sa situwasyon mo ngayon.
Hindi lang naman iisa o iilan ang mga kwentong tungkol sa pagsasama ng may malaking agwat ng edad at mayaman, na nauwi sa pagka-abuso o pananamantala.
Kaya sa halip na masamain mo ang sinasabi ng pamilya mo, bakit hindi mo bigyan ng pagkakataon na pakinggan, magsuri ka para mapatuyan mo sa iyong sarili kung tama ka nga ba at mali sila, o kabaliktaran ang nangyayari sa pakikipagrelasyon mo sa boyfriend mo. Maaari maisip mo na buhay mo ‘yan, kaya na sa iyo pa rin ang desisyon.
Ang tanging hangad lang ng pamilya mo ay maiiwas ka sa hinanakit na hindi na makakabuti sa may edad mong katawan.
Kaya ang payo ko ay mag-isip-isip ka.
Dr. Love
- Latest





















