Daig pa ang magulang sa higpit ng bf
Dear Dr. Love,
Mayroon po akong boyfriend na napakabait, mapagmahal, at may pangarap sa buhay. Kaya lang, sobra po siyang higpit! Sa totoo lang po, daig pa niya ang mga magulang ko.
Hindi niya po ako pinapayagang lumabas kasama ang aking mga kaibigan, lalo na kung lalaki ang kasama. Kapag nagpaalam naman akong aalis kasama ang mga kaibigan kong babae, kailangan alam niya ang bawat de-talye: sino ang kasama, saan pupunta, anong oras uuwi, at kailangan ko pang mag-update sa kanya kada oras. Halos ayaw niya akong mag-post sa social media. Kapag may nakita siyang nag-like na lalaki sa post ko, nagagalit siya at nagtatampo nang matindi.
Minsan, nagde-demand pa siya na kunin niya ang password ng social media accounts ko para raw wala siyang “ikabahala.” Dr. Love, pakiramdam ko po ay unti-unti akong nawawalan ng kalayaan at espasyo. Hindi na po ako makahinga. Mahal na mahal ko po siya, pero minsan naiisip ko, ito ba talaga ang klase ng relasyon na gusto ko?
Kapag sinusubukan ko pong kausapin siya nang masinsinan, sinasabi niya lang na dahil sa sobrang pagmamahal niya raw sa akin kaya siya nagkakaganyan. Sabi niya, ayaw niya raw akong mawala o maagaw ng iba. Nagiging dahilan tuloy ito ng madalas naming pag-aaway.
Ano po ba ang dapat kong gawin? Tama po ba na tanggapin ko na lang ito bilang “patunay ng pagmamahal” niya, o kailangan ko bang manindigan at itama ang ganitong sitwasyon? Paano ko po siya kakausapin nang hindi siya magagalit o magtatampo?
Lai
Dear Lai,
Mahalaga na kausapin mo ang iyong boyfriend nang masinsinan sa isang kalmado at angkop na oras. Huwag mo siyang akusahan; sa halip, ipaliwanag mo kung ano ang nararamdaman mo sa kanya na labis na paghihigpit, gamit ang mga pahayag gaya ng “nalulungkot ako kapag...” o “pakiramdam ko hindi mo ako pinagkakatiwalaan dahil....” Kailangan niyang maunawaan na ang tunay na pagmamahal ay nagtitiwala at nagpapalaya, hindi nagkokontrol o nagiging dahilan ng insecurity.
Linawin mo sa kanya na ang sobrang paghihigpit ay hindi katibayan ng pagmamahal kundi nag-uugat sa kanyang takot at kailangan niyang ayusin ang kanyang sariling insecurity.
Manindigan ka sa pagtatakda ng malinaw na limitasyon (boundaries), tulad ng hindi pagbibigay ng passwords, at ipaliwanag na ang respeto sa iyong kalayaan ay isang non-negotiable na bahagi ng relasyon. Sa huli, pag-isipan mo kung handa ka bang maki-pagrelasyon sa isang taong ganyan kahigpit habang buhay; tandaan mo na ang pag-ibig ay hindi dapat maging kulungan, kundi dapat nagpapalaya at nagpapasaya.
DR. LOVE
- Latest
















