Nag-aalalang ina
Dear Dr. Love,
Nilda na lamang po ang itawag ninyo sa akin. Magandang araw po. Isa po akong ina na labis na nag-aalala sa aking anak na babae na kasalukuyang nag-aaral sa Maynila at nakatira sa dormitoryo.
Galing po kami sa probinsya kaya hindi maiwasan na kabahan ako sa tuwing naiisip kong malayo siya sa amin. Mabait at masunurin naman po ang anak ko, pero bilang magulang, hindi ko maiwasan ang mag-isip ng kung anu-ano—baka hindi siya kumain nang tama, baka magkasakit, baka mapabarkada sa mga taong hindi maganda ang impluwensya, o baka nalulungkot siya nang hindi niya sinasabi sa amin.
Minsan, gusto ko na lang siyang tawagan araw-araw, pero natatakot din akong isipin niya na sobra akong pakialamera o hindi nagtitiwala sa kanya. Alam kong kailangan ko rin siyang hayaan na maging independent, pero bilang nanay, napakahirap po palang tanggapin na malayo na ang anak mong matagal mong inalagaan. Paano ko po mababawasan ang takot at pag-aalala ko bilang isang ina?
Nilda
Dear Nilda,
Ang pagiging ina ay likas na puno ng pag-aalala, lalo na kapag malayo na ang anak. Pero tandaan mo, ang pag-aalaga ay hindi kailangang laging pisikal—madalas, sapat na ang panalangin, tiwala, at mahinahong komunikasyon.
Subukan mong magtakda ng regular na oras ng tawagan o video call, hindi para “i-check” siya, kundi para makibalita lang nang natural—kamustahan, kwentuhan, at maramdaman niyang nandiyan ka pa rin bilang gabay, hindi tagapagbantay. Mahalaga rin na iparamdam mo sa kanya ang tiwala mo. Kapag alam ng anak na may tiwala ang magulang, mas nagiging responsable at bukas siya sa pakikipag-usap. Sa halip na matakot o mainis, mararamdaman niyang may tahanan siyang uuwian anumang oras.
Manalig ka rin kay Lord, dahil sa lahat ng oras na hindi mo kayang bantayan ang iyong anak, Siya ang tunay na nagbabantay.
DR. LOVE
- Latest
















