Hindi sinukuan ni misis
Dear Dr. Love,
Wala akong ibang hangad ngayon kundi ang makabawi sa misis ko dahil hindi niya ako sinukuan.
Hindi n’yo naitatanong, naging kami makaraang agawin ko siya sa kuya ko.
Mas mahal niya si kuya. Nagmakaawa ako sa kanya para sagutin niya ako. Inaamin ko na hindi ako mabait na asawa. Mabait naman ang kuya ko at ipinaubaya na niya ang pinakamamahal niyang babae.
Aminado po ako na sakit ako sa ulo ng misis ko. Ang hindi ko lang magawa ay ang saktan siya.
Kabilaan ang bisyong ginawa ko. Alak at kapag may pera, bato. Ni hindi ko siya nakitaan ng pagbabanta sa akin o minura ako.
Hindi ako tumigil hanggang sa pati ang pambaon ng anak namin ay kinukuha ko para makatoma lang.
Sinasabihan na nga siya ng tatay niya na hiwalayan na ako pero umaasa pa rin siya na magbabago ako.
Hanggang sa tinamaan na nga ako ng sakit sa baga at sa atay. Ang buo kong akala, huling mga sandali ko na.
Pero ginawa lahat ng paraan ng misis ko para maisalba ako. Hindi pa uso ang quarantine, na-quarantine na ako. Habang nakaratay ako sa ospital. Saka ko nakita ang laki ng pagmamahal sa akin ng aking asawa.
Pati na rin si kuya ay sumasagi sa isipan ko kung paano siya naging mapagparaya.
Hiya na lang ang kayang kong gawin. Sobrang abuso ko sa aking sarili at sa aking pamilya.
Sana kung mamarapatin ng Panginoon, mabigyan pa niya ako ng mahabang buhay para naman makabawi ako ng husto sa kanila, lalo na sa aking mga anak.
Hanggang dito na lang po. Sana sa tulad kong adik sa bisyo ay maging aral sa inyo ang naging karanasan ko.
Huwag na ninyong hintaying magkasakit at magsisi sa bandang huli.
Juaquin
Dear Juaquin,
Tama ‘yan, kaila-ngan mong maglaan ng maraming oras para makabawi ka sa iyong asawa’t mga anak. Mabuti at nakatagpo ka ng tunay na nagmamahal.
Bilib ako sa ginawa ng asawa mo. Pinatunayan lang niya na hindi siya napilitang ikaw ang maging asawa.
Totoo, marami pa rin ang mga walang pakundangan sa mga asawa nila.
Sana hindi pa mahuli ang lahat para sa inyo. Dalangin ko rin ang kumpletong kagalingan mo.
DR. LOVE
- Latest



















