Bigong abutin ang pangarap
Dear Dr. Love,
Maluwalhating pagbati sa iyo. Itago mo na lang ako sa alias na Failed Dreamer, 27-anyos at may asawa.
Ang mga magulang ko ay umaasa lang sa biyaya ng karagatan. Nagtutulungan ang tatay ko at panganay kong kuya sa panghuhuli ng isda.
Mababa ang aking pinag-aralan. Second year high school lang. Dahil dito ay kailangan kong tumulong sa pagtitinda sa palengke sa mga nahuling isda nina tatay at kuya. Pangarap ko na maging physical therapist pero hindi namin kaya ang matrikula. Naudlot ang pangarap ko nang umibig ako at makapag-asawa.
Gusto ko sana makapag-asawa ng mayaman pero sa kasamang palad, walang nanligaw sa akin na mayaman kaya sa isang mangingisda din ako nahulog.
Sa una ay maligaya ang aming pagsasama. Pero ‘di nagtagal, siya pala ay tamad at inaasa lang sa akin ang pagtatrabaho.
Maaari ko ba siyang hiwalayan?
Failed Dreamer
Dear Failed Dreamer,
Kung kasal na kayo kahit sa simbahan o huwes, may kahirapan iyan.
Magastos ang annulment. Sa kalagayan ng inyong kabuhayan ay malamang hindi mo makayanan ang kahit man lang dalawangdaang libong piso para malusaw ang inyong kasal.
Kung may pera kang gagastusin, mabigat na dahilan ang pagkabatugan para ma-annul ang inyong kasal. Maitutu-ring iyan na pagiging iresponsable ng lalaki na dapat siyang bumubuhay sa pamilya.
Ngunit kung hindi naman kayo kasal at nagsasama lang, mabuti ngang maghiwalay na kayo. Hindi mo nasabi kung mayroon na kayong anak. Sa ganang akin, mas mabuti kung wala dahil sa ganyang klase ng ama, ang anak ang magdurusa.
Dr. Love
- Latest

















