Atensyon ng mga anak ang hanap
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw po sa inyo. Ako po ay isang ama na nasa senior years na. Hindi naman ako humihingi ng sobra, pero hindi ko maiwasang mapaisip at masaktan habang lumilipas ang mga araw.
Hindi ako nakakuha ng pension. Ang kinabukasan ko sana ay ibinilin ko na lamang sa mabubuting anak na pinalaki ko nang may dangal at sakripisyo.
Pero ngayon, tila ba ako’y napag-iiwanan. Ang dalawa kong anak, parehong may kanya-kanyang pamilya na.
Hindi ko naman sila hinihingan ng pera—pero sana man lang, ang simpleng pagbisita, pangungumusta, o kahit tawag ay kanilang maalala.
Ngunit tila ba ako’y isa na lang lumang kabanata sa buhay nila na nais na lang kalimutan.
Dr. Love, hindi ba’t responsibilidad din ng anak ang magpakita ng malasakit sa magulang, lalo na kung ito’y tumatanda na?
Hindi ako galit. Wala akong hinanakit na malalim. Ngunit aaminin ko—ako’y nasasaktan. Ako’y nag-aalala.
Kung ako’y magkasakit o mawala, may makakaalala pa kaya?
Hanggang kailan ko ba dapat sikmurain ang katahimikang ito? Hindi ko naman gustong maging pabigat. Gusto ko lang maramdaman na kahit papaano, may halaga pa rin ako bilang ama.
Benie
Dear Benie,
Ramdam ko ang bigat ng loob ninyo. Hindi pera ang hinahanap ninyo kundi simpleng pansin at pagmamahal mula sa mga anak na pina-laki ninyo nang may sakripisyo.
Minsan, sa sobrang abala ng mga anak sa sariling buhay, nakakalimot silang may magulang pa silang naghihintay. Kung kaya pa, kausapin ninyo sila nang mahinahon.
Paalalahanan na hindi habang buhay ay may pagkakataon pang magsilbi’t magmahal sa magulang.
At kung mananatiling tahimik ang kanilang mundo, huwag ninyong hayaang lamunin kayo ng lungkot.
May ibang tao’t komunidad na handang dumamay. Ang Diyos, kailan man ay hindi nakakalimot.
Hindi man kayo pensyonado sa pera, nawa’y pensyonado kayo ng pagmamahal at paggalang—mula sa mga taong tunay na marunong lumi-ngon sa pinagmulan.
DR. LOVE
- Latest




















