Hindi pa maka-move on
Dear Dr. Love,
May karelasyon po ako. Mabait siya, responsable, at talagang nagpaparamdam ng tunay na pagmamahal sa akin. Pero sa kabila ng lahat ng ito, may isang parte ng puso ko na hindi pa rin lubos na nakaka-move on.
Pitong taon na ang nakakalipas nang pumanaw ang una kong boyfriend. Mahal na mahal ko po siya. Walang araw na hindi ko siya naiisip noon. At ngayon po, kahit matagal na siyang wala at kahit may bago na akong minamahal, may mga pagkakataon na parang nararamdaman ko pa rin ang presensya niya.
Minsan, napapanaginipan ko siyang umiiyak, o kaya’y nakatingin lang sa akin na parang may gustong sabihin. Minsan naman, may mga bagay sa paligid ko na nagpapaalala sa dati naming samahan—amoy ng pabango na paborito niya, kanta namin noon na bigla ko na lang maririnig kahit naka-shuffle lang ang playlist ko. Sa totoo lang po, parang hindi siya tuluyang nawala. Para bang gusto niya iparamdam na andiyan pa rin siya.
Hindi ko po alam kung normal lang ito o may dapat akong ikabahala. Gusto ko po maging tapat sa kasalukuyan kong boyfriend, pero natatakot akong masaktan siya kung malalaman niyang hindi pa lubusang nawawala sa puso ko ang aking nasawing boyfriend.
Mary Grace
Dear Mary Grace,
Walang masama sa pag-alala sa taong minsan nang naging mundo mo. Ang pagmamahal na totoo ay hindi basta-basta nawawala kahit na tapos na ang kwento. Pero kung ang alaala nang nakaraan ay paulit-ulit na humahadlang sa kasalukuyan mong kaligayahan, baka oras na para pakawalan ito.
Ang pag-ibig ay hindi libingan ng alaala, kundi tahanan ng presensiya. At kung may taong handang magmahal sa’yo ngayon, huwag mong hayaang matalo siya ng taong wala na.”
DR. LOVE
- Latest
















