Sobrang ‘hilig’ ni mister
Dear Dr. Love,
Nakailang man sabihin, sa edad namin…ang mister ko ay sobrang mahilig pa rin sa romansa. Kami po ay may limang anak na pero humihirit pa siya. Sadyang matigas ang ulo niya.
Sa hirap ng buhay ngayon, ayaw ko na po sana madagdagan ang aming mga anak. PTindera po ako sa palengke at magsasaka na si mister. Ang biro nga niya sa akin, ok lang daw buong araw siya mag-araro sa bukid, basta sa gabi ako naman daw ang aararuhin niya.
Hindi gaya ng iba ang aming buhay bilang isang pamilya, pero masaya po kami. Ang panganay namin ay 13 years old pa lang. Hangga’t maaari ang gusto ko po ay magpokus siya sa pag-aaral. Nakakatuwa rin naman po ang aking mga anak. Malalambing sila at nagmama-asakit sa gawaing-bahay para raw pag-uwi naming mag-asawa ay makapagpapahinga na.
Dr. Love, kung hindi ko lang din mapigilan ang aking asawa iniisip ko ang mag-pills. Kaya nga lang, napakalayo ng dadayuhin para makahingi, wala kasi sa aming lugar nun.
Mahal ko ang mister ko kaya madalas hindi ko siya matanggihan. Isa pa, para hindi siya makaisip na mambabae.
Yoly
Dear Yoly,
Nakakatuwa kayo. Bihira ang pagsasama na kahit hindi marangya ay tunay na masaya ang tahanan. Natitiyak kong mahal na mahal ka ng mister mo, dahil kahit sa gabi ay buong kisig ang kanyang pag-aararo.
Kaya lang, talagang dadami ang inyong mga anak kung walang proteksiyon ang inyong pagsisiping. Subukan ninyo ang natural method. Alamin mo kung kailan ka hindi fertile, saka kayo magsiping. Isangguni mo ito sa doktor sa inyong health center para magabayan ka. Subukan mo rin ipaliwanag sa mister mo ang sirkumtansiya kung dadami nang husto ang inyong mga anak. Naniniwala ako na mahal ka aniya at irerespeto ka niya.
DR. LOVE
- Latest