Ingratong best friend
Dear Dr. Love,
Si Delta ay best friend ko noon na ngayo’y bigla ko’ng naging worst enemy dahil siya’y walang utang na loob at iyan ay sasabihin ko sa kanya ng harap-harapan.
Sa tagal ng aming pagkakaibigan ay niligawan ako ng kanyang kuya na napa-ngasawa ko.
Nu’ng araw ay madalas kaming kumain sa labas ni Delta at ako ang palaging taya. May mga pagkakataon din na kapag kapos siya sa budget para sa aming school pro-jects, inuutangan niya ako at ito’y hindi ko na sinisingil. Close na close kami na daig pa ang tunay na magkapatid.
Nang magpakasal kami ng kanyang kuya Arnie, tuwang-tuwa siyang tawagin akong ate.
Hindi ko alam kung bakit nang magtagal ay nawala ang closeness ng aming friendship. Hindi na kami kagaya nang dati pero hindi naman kami nag-aaway.
Lumipas pa ang mga panahon at nakapag-asawa ng mayaman si Delta.
Lumipat silang mag-asawa sa isang magara at marangyang bahay. Dun lalong nagkalayo ang aming mga damdamin.
Minsan, dahil gipit kami ng asawa ko dahil may bayaring malaki ang halaga, sinubukan ko’ng lumapit kay Delta para humiram ng fifty thousand pesos. Ayaw siyang hingan ng tulong ni Arnie dahil mataas din ang pride ng mister ko.
Naglakas loob ako’ng lumapit at pinahiram naman niya ako.
Pero matapos ang isang buwan at hindi pa ako nakababayad ay lagi niya akong tinitext at sinasabihan na ako’y ‘manunuba’ at ipababarangay ako.
Nagalit din ang asawa ko sa ginawa niya kaya gumawa ng paraang makabayad.
Disappointed ako sa ginawa ng hipag ko na dati kong best friend.
Ano ang gagawin ko?
Susana
Dear Susana,
Sayang talaga ang inyong friendship. Pero siya lamang ang maaaring makapagpabago sa sarili niya. Hindi na niya naalala ang matagal ninyong pinagsamahan bilang mag-best friend.
Nakalulungkot at may mga taong dahil umangat lang ang buhay ay inilaglag na ang mga dating kaibigan pati sariling kapatid.
Ipag-pray mo na lang na sana ay magbago siya at bigyang halaga ang inyong dating matamis na friendship.
Samantala, mas makabubuti na huwag na lang ninyo siyang hingan ng pabor o tulong hangga’t ganyan katayog ang yabang niya sa katawan.
Pero kung dumating ang pagkakataon na siya naman ang malagay sa kagipitan, huwag naman ninyo siyang pagkaitan ng tulong. Doon niya mapagtatanto ang kamalian niya na dapat niyang ituwid.
Dr. Love
- Latest