Ballroom addict
Dear Dr. Love,
Masyadong natsi-tsismis sa aming neighborhood ang aking mommy na lubhang haling sa ballroom dancing lalo na nang namatay si daddy.
Tawagin mo na lang akong Icel, 20 anyos. Tatlo kaming magkakapatid na pawang apektado ng bad gossips tungkol sa aking ina. Ito ay lalong tumindi nang tuwing madaling araw ay may naghahatid sa kanyang batambatang lalaki na DI niya. Nalaman naming boyfriend niya ang dance instructor na ‘yun.
Dahil dito, kaming magkakapatid ay nakakaramdam ng pambabastos sa mga tambay dahil cheap ang tingin nila sa amin.
Hindi namin mapagsabihan si mommy dahil tinatarayan kami. Ano ang dapat naming gawin?
Icel
Dear Icel,
Sabi nga, hindi natin pwedeng piliin kung sino ang magiging magulang natin. Kung ayaw niyang makinig sa inyo, huwag kayong susuko sa kapapangaral sapagkat kayo ang tama.
Ipaunawa n’yo sa kanya na kung mahal niya kayo ay hindi niya dapat payagang mabastos kayo dahil sa sarili niyang kamalian. Baka naman matauhan siya ‘pag narinig niya ‘yon.
Kung matigas pa rin ang ulo niya, magpa-kadisente na lang kayo sa inyong kilos at pananamit. Kapag may nambabastos o nagpaparinig sa inyo, huwag kayong mahihiya na sabihing kayo mismo ay nagpapangaral sa inyong ina na matigas ang ulo at hindi kayo pabor sa ginagawa niya.
Dr. Love
- Latest





















