Tinutuksong bipolar
Dear Dr. Love,
Ako po si Nelia. Lagi na lang akong tinutuksong bipolar ng biyenan ko at kapatid ng mister ko. Akala mo nagsipag-aral ng psychology. Pabago bago raw kasi ang ugali ko. Minsan tahimik, minsan galit na galit at nagsisisigaw ako. Sa sobrang ingay ko, nabubulabog ang mga kapitbahay namin.
Sila naman ang may problema, pati buhay naming mag-asawa pinakikialaman nila. Lalo na itong hipag ko, sobrang marites. Lahat na yata ng sabihin ko sa mister ko, alam niya. Nagugulat na nga lang ako, kumalat na sa buong barangay namin, ako na lang ang hindi nakakaalam.
Sila nga ‘tong walang patawad. Matapos humingi nang humingi ng tulong sa amin, sila pa ang may ganang magalit at magsabi ng kung ano ang dapat kong gawin. Alam ko na ang puno’t dulo ng galit nila sa akin. Hindi kasi kami nakapagbibigay ng gusto nilang halaga ng tulong.
Sinanay kasi ni mister na laging umasa sa kanya. Hayun kahit ipangba-budget ko, nahihiram pa nila. Tapos ako pang may sakit, bipolar raw ako, ayaw ko raw tumigil sa kadadakdak.
Nelia
Dear Nelia,
Ang gawin mo, magpa-check-up ka sa doktor. Para may dokumento ka na patunay na wala kang sakit. Hindi naman lingid sa iba ang mga ganitong sitwasyon. Hangga’t maaari, huwag mo silang pansinin at papatulan. Lalo ka lang nila aasarin.
Ipakita mo na hindi umuobra ang kanilang pambu-bully sa iyo para mapagod na lang sila sa pang-aasar. Habang nakikitaan ka nila ng kahinaan mo, lalo lang nilang iisipin na lumalala na ang sakit mo.
Huwag kang mag-focus sa negative, bagkus isipin mo ang mga pwede mo pang magawang kabutihan. Kausapin mo rin ang asawa mo na hindi maganda ‘yung pinanghihimasukan ng mga in-laws ang buhay ninyong mag-asawa.
DR. LOVE
- Latest