Huli na nang makita ang halaga
Dear Dr. Love,
Hello po, tawagin n’yo na lang po akong Gino, 29 years old.
Mahigit dalawang taon na kaming hiwalay ng ex-gf ko, may iba na siya ngayon at masaya sa kasama niya. May closure naman po kami pero hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na hindi na siya akin. Pinagsisihan ko na nakipag-break ako sa kanya, ngayon ko lang nakita ang halaga niya.
Ang dahilan ng break up namin, sinabi ko na aayusin ko muna ang sarili ko, mag-iisip-isip at so-solusyunan ang iba kong personal na problema. Akala ko okay lang sa kanya at aantayin niya ko. Ayoko po na madamay siya sa problema ko.
Ngayon nagsisisi na ko, sana pala nakinig ako sa kanya na tutulungan niya ko at maiintindihan niya basta nandiyan lang siya at nakasuporta. Pero hindi, pinairal ko ang pagiging makasarili at hindi ko man lang siya inisip.
Sobrang sakit lang. Ang mga naipon naming pera, pinaghatian na lang. May mga ibang gamit siya na sinauli sa’kin, na hanggang ngayon ay hindi ko pa nabubuksan.
‘Yung mga kaibigan ko na nalalapitan ko noon, pakiramdam ko nagsawa na sa kakapayo sa’kin dahil paulit-ulit na lang. Nalulong ako sa alak, nag-try na maghanap ng iba pero lagi ko lang nakukumpara sa ex ko at nauuwi lang sa wala. Hindi ko na alam kung ano ang dapat kong gawin. Tulungan mo ako, Dr. Love para makapag-move on ako.
Gino
Dear Gino,
Tapos na ang nangyari na, tanggapin mo na wala na siya, na masaya na siya sa iba. ‘Yun din naman ang gusto mo ‘di ba? Ang maging masaya siya. Ang importante naayos mo ang sarili mo. Kung nagawa mo noon, magagawa mo rin ngayon.
Happiness is a choice, kaya kung pipiliin mo na mag-move on ay gawin mo. Ibaling mo ang atensyon mo sa ibang bagay na maaari mong maging hobby o passion. Huwag kang magkumpara dahil magkakaiba tayo ng pinagdaraanan sa buhay. Naniniwala ako na mayroong tao na nakalaan para sa’yo. Bago ka gumawa ng desisyon, pag-isipan mo muna ng mabuti at huwag magpadalos-dalos.
DR. LOVE
- Latest