Nagsisisi sa maling nagawa
Dear Dr. Love,
Single mother ang nanay ko. Pinalaki niya ako sa paniniwalang patay na ang tatay ko. Nagtataka lang ako kung bakit ni minsan, hindi kami dumalaw sa puntod ng aking ama para alalahanin siya.
All along, naniwala ako na isang real estate broker si mommy at ‘yun ang ipinangtustos niya sa aking pag-aaral hanggang matapos ko ang kursong civil engineering.
Pero bago ang aking graduation, natuklasan ko na buhay pa pala ang aking ama pero may pamilya. Anak pala ako sa pagkakasala ng nanay ko.
Hindi ko alam na ang tunay kong ama ang nagbibigay ng pera sa nanay ko para maitaguyod ang aking edukasyon.
Sinumbatan ko ang aking ina sa nalaman ko at katatapos pa lang ng graduation ay lumayas ako sa amin.
Ipinagdamdam ng ina ko ang nangyari na naging dahilan para siya ma-stroke na siya niyang ikinamatay. Sa burol ay dumating ang aking ama kasama ang kanyang asawa.
Alam pala ng misis niya ang tungkol sa akin.
Humingi ng tawad sa akin ang aking ama dahil hindi siya agad lumantad at nagpakilala sa akin.
Nagsisisi ako sa aking ginawa pero huli na ang lahat. Wala na ang aking ina.
Ano ang gagawin ko para mawala ang sumbat sa aking budhi?
Melo
Dear Melo,
Ang bagay na naganap na ay hindi na puwedeng baguhin. Sapat na ang buong puso mong pagsisihan ang tungkol sa naging pagkakamali, bagamat hindi na naririnig ng iyong ina ang iyong mga salita.
Nadala ka lang ng emosyon at iyan ay puwedeng mangyari kahit kanino.
Dakila ang iyong ina na nagpakasakit para sa’yo, gayundin ang iyong ama na kinilala ang kanyang responsibilidad sa iyo.
Dapat mo silang kapwa pasalamatan sa matagumpay na paagtaguyod sa iyong edukasyon. Oo nga’t nagkasala sila pero sino ba ang taong hindi nagkakamali?
Ngayon ay isa ka nang engineer, bagay na dapat mong ipagpasalamat sa iyong mga magulang at higit sa lahat, sa Panginoong Diyos.
Pagtagumpayan mo ang hamon ng iyong karera para sa iyong mga magulang.
Dr. Love
- Latest