Mabigat na pagsubok
Dear Dr. Love,
Ewan ko kung ang dinaranas ko ay pagsubok lang ng Diyos sa aking pananampalataya o sa-dyang malupit sa akin ang tadhana. Tawagin mo na lang akong Lorena, 30 anyos.
Dalawampu’t anim na taon na ako nang mag-asawa dahil nang makatapos ako sa pag-aaral sa kolehiyo ay itinaguyod ko ang aking mga magulang na matanda na at walang pinagkakakitahan. Nagsikap akong makatapos bilang isang working student kaya matagal bago ko natapos ang aking kursong accountancy.
Nang parehong sumakabilang buhay na ang mga magulang ko, roon pa lang ako nag-asawa. Akala ko magiging uliran at mabuti ang lalaking pinakasalan ko. Dalawang taon ko siyang boyfriend at maganda ang ugali na ipinakita niya sa akin. Isa siyang bank manager sa bangkong pinagtatrabahuhan ko rin bilang accountant.
Nagbitiw ako sa tungkulin nang maging asawa ko siya dahil bawal sa aming kompanya ang mag-asawa na parehong may mataas na tungkulin. Malaki naman ang sahod niya at mayroon naman akong naipon bukod pa sa early retirement benefit ko.
Nagpasya na lang akong maging full time housewife. Madalas niyang kuwestyunin ang mga gastusin sa pamilya at ino-audit ang mga ginastos ko na para naman sa aming pangangailangan. Madalas akong makatikim ng masakit na salita sa kanya. Nauubusan na ako ng pasensya pero gusto ko pa rin siyang galangin bilang padre de pamilya.
Mas maganda siguro kung mamamasukan uli ako tutal may ibang financial institution na gusto akong kunin. Tama ba ang gagawin ko?
Lorena
Dear Lorena,
Hindi mo nasabi kung mayroon na ka-yong anak. Pero tama ka, mas maganda kung gagamitin mo ang kursong pinaghirapan mo nang maraming taon. Kung papayagan ka naman ng mister mo, walang masama kung magtrabaho ka. Kumuha ka na lang ng katulong sa bahay o kaya yaya kung mayroon ka ng anak.
Talagang may mga lalaking katulad ng asawa mo, pagdating sa pamamahala ng salapi. Bagamat hindi maganda ang pagkakanya-kanya ng mag-asawa sa usaping pananalapi, mas mainam na marahil ang ganyang setup para hindi ka niya puwedeng sisihin kung siya na ang mamamahala ng sarili niyang kita.
Sumahin ninyo ang mga gastusin sa bawat buwan tulad ng kur-yente, tubig, pagkain, maintenance at iba pa at maghati kayo sa babayaran. Pag-usapan ninyong mabuti ang setup.
Dr. Love
- Latest