May iba nang nagyayaya
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Che. Kaya pala panay tanggi sa mga aya ko, may iba nang nag-aaya sa bf ko.
Hindi ako agad naniwala nung may nagsabing katropa, na nakikita siyang sumasakay sa grab na iba ang kasama.
Ang lakas ng loob, gagawa ng kalokohan, sa malapit pa.
Hindi ko sinabi na alam ko na ang ginagawa niyang himala. Mahal ko siya, mas pinanaig ko ‘yun kaysa ang aking pagdududa.
Ang sabi ng tropa, huwag raw akong magpakatanga. Ipagpalagay na raw, kaya kong tiisin, pero paano kung sa kabila na umaasa pa ako sa pagmamahal niya ay ‘yung ibang babae ang pipiliin niya?
Hanggang nagtapat na siya sa akin at naki-pag-break. Masakit, hindi ako handa. Ayokong isipin na niloko niya ako. Ang hindi ko matanggap, wala akong ginawa para gawin niya ang ganon. Alam kong hindi ako nagkulang, dinagdagan ko pa nga ang pagmamahal at pang-unawa ko sa kanya. I really find it hard to move on. Kahit sinasabi nila na hindi ko siya kawalan.
Hanggang dito na lang po, basang basa na po ang panyo ko sa luha.
Che
Dear Che,
Huwag mo masyadong damdamin ang paghihiwalay ninyo ng bf mo. Mabuti hangga’t maaga ay nalaman mo ang lahat. Kung concern ka sa bf mo , mas bigyan mo ng pansin ang iyong sarili. Be kind to yourself.
Totoo sa una mahirap tanggapin, pero malalampasan mo ‘yan kapag busy ka na at may may bagong manliligaw na. Be strong, nandyan pa naman ang mga tropa mo, ang family mo. I think it’s time to spend moments with them, deserving sila sa atensiyon mo.
Anyway, may kapalit na biyaya ang kabiguan.
DR. LOVE
- Latest

















