Bawal ba?
Dear Dr. Love,
Gusto ko lang magtanong kung bawal ba ang muling pag-aasawa ng isang nabiyuda kahit ‘di pa nakakapagbabang luksa? Tawagin mo na lang akong Ramona, 29 years old at ang asawa ko ay namatay sa isang aksidente noong Mayo.
Hindi ko talaga mahal ang asawa ko, kundi napilitan lang ako dahil ipinagtulakan ako ng aking magulang. Tatlong taon din kaming nagsama.
May boyfriend ako noong araw na talagang mahal ko, pero sinabi ng mga magulang ko na itatakwil nila ako kapag ‘di ako susunod sa gusto nila.
Ngayon, gusto na naming magpakasal ng dati kong boyfriend pero ‘di pa ako nakakapagbabang luksa.
Kahit sa Huwes muna basta’t makasal lang kami. Sabi ng iba ay hindi ito dapat. Tutal wala na namang poder sa akin ang mga magulang ko, dahil matanda na ako, pwede na siguro akong magdesisyon sa sarili ko.
Pero inaalala ko rin ang hindi magandang maaaring isipin sa akin ng mga tao. Bawal po ba talagang magpakasal ang mga nabiyudo o nabiyuda habang nagluluksa? Pagpayuhan mo po ako.
Ramona
Dear Ramona,
Tutal, mga limang buwan na lang ang bibilangin bago ka magbabang luksa, bakit hindi kayo makapaghintay?
Walang batas na nagbabawal sa ba-lak ninyo pero sa kultura natin, may mga bagay na pwedeng makapagbigay ng batik sa ating reputasyon na dapat iwasan.
Wika nga, ilang kembot na lang at isang taon nang pumanaw ang iyong mister kaya ang payo ko, wait na lang para hindi kayo pag-isipan ng ‘di maganda ng mga tao.
Pero kung nag-aapura kayo na maikasal, sige lang. Hindi kasalanan ang inyong gagawin.
Sana, noon pa naisip mo na nasa edad ka na at hindi pwedeng manghimasok sa iyong desisyon ang iyong mga magulang.
Disin sana’y hindi ka na nagpakasal sa naging asawa mo na labag sa iyong kalooban.
Dr. Love
- Latest