Mga alaala ng ng mga bulaklak
Dear Dr. Love,
Isa akong suki ng bulaklak sa Dangwa. Tuwing madaling araw ng unang Sabado ng buwan may debosyon ako, dalawin ang puntod ng misis ko sa North Cemetery. Kahit na nga pandemic minsan nakikiusap ako sa mga bantay na ilagay na lamang sa puntod ng misis ko ang mga bulaklak na alay ko sa kanya.
Isa akong biyudo at malalaki na ang aking mga anak. May kani-kaniya na silang pamilya at may mga apo na rin ako sa kanila. Bata pa ako, I’m only 55. Maaga lang akong nag-asawa dahil na rin sa bulaklak. Mahilig kasing magpasama ang naging misis ko rito sa Dangwa noong nanliligaw pa ako sa kanya. Unang Sabado ng madaling araw kami bumibili ng bulaklak, alay niya sa kanyang yumaong ama’t ina.
Dito ko na-appreciate ang halaga ng mga bulaklak. Noong una, parang ordinaryong regalo lang ang bulaklak para sa akin. While offering our flowers to her departed parents, hayun panay ang kwento niya. Pinagmamasdan ko ang liwanag ng natutunaw na kandila na nagbibigay ng magandang larawan sa mga bulaklak. Higit sa lahat, ang magandang alaala ng lumipas na karanasan. Kung paano nagmahalan ang kanyang mama at papa noong panahong iyon. Kahit nga raw conservative ang kanilang mga magulang, nakatakas sila para magtanan.
Dati, dalawa kaming nagkukwentuhan tungkol sa mga nakaraan. Ngayon ako na lang mag-isa at bumubulong ng mga kwento namin ng misis ko na hindi ko malilimutan.
Two years pa lang, simula nang iwanan ako ni misis. Breast cancer survivor siya pero hindi rin nagtagal. She was diagnose at nagkaroon din ng komplikasyon sa kanyang katawan dahilan para manghina siya. We did our best pero ganun talaga, till death do us part, sabi nga. Kaya ito ang naiwan niyang aral sa akin, na ang tao ay parang bulaklak. Kahit lanta na ay naiiwan pa rin ang sariwang alaala.
Bonjet
Dear Bonjet,
Maraming salamat sa ibinahagi mo. Nabigyan mo ng mas malalim na kahulugan ang bulaklak at ang halaga nito sa ating buhay. Nagustuhan ko ‘yung sinabi mo na kahit lanta na ang bulaklak ay nanati-ling sariwa ito sa ating isipan. Kasama ng mga magandang alaala ng ating mahal sa buhay, na hindi natin malilimutan. Kahit wala na sila, parang kasama pa rin natin sila at kapiling sa ating buhay.
Lubos ang pakikidalamhati ko sa iyo. Hindi naman mahalaga kung gaano karami ang bulaklak, ang mahalaga ay ang sinisimbolo nito sa atin.
Galing! Na-inspire tuloy ako at ginanahang mag-alay ng bulaklak sa aking minamahal lalo na ngayong sila ay buhay pa.
DR. LOVE
- Latest