Tunay na malasakit
Dear Dr. Love,
Inaaway ako ng aking kapatid kung bakit pinili kong tumira sa aking biyenan. Masyadong ko raw mahal ang aking asawa.
Ipinagpalit ko na raw sila. Wala naman daw problema sa kanila kahit doon kami tumira ng asawa ko sa bahay namin sa Alabang. Wala naman nakatira roon, wala na kaming iintindihin dahil malapit sa school at maayos ang lugar. Kaysa nga naman dito sa biyenan ko sa Tondo.
Mahirap ang kalagayan nila. Kaya ko naman minahal nang husto ang aking asawa dahil nakita ko ang kanilang simpleng buhay.
Bakit hindi ko raw i-practice ang natapos ko sa kolehiyo at LET passer pa ako.
Pingarap ko kasi na iparanas ko sa aking mga anak ang mabuhay ng mahirap para matuto silang magsipag at maging maalam sa buhay.
Tama naman si kuya. Wala na akong kailangan sa buhay dahil may kaya ang aming mga magulang. Kaya kong suportahan ang mister ko sa kanyang hanapbuhay at kahit mawalan na siya ng trabaho, sapat pa rin ang savings ko.
Ang hindi alam ng kuya na nag-usap na kami ng asawa ko. Hindi lang namin maiwanan ang aking biyenan dahil walang mag-aalaga sa kanya. Malala na ang kanyang kalagayan. Pero sa panahong mawala na siya ay pwede na kaming lumipat sa bahay namin sa Alabang.
Kahit ipinaliwanag ko na sa kanya ay patuloy pa rin ang pagsasalita niya ng hindi maganda sa asawa ko. Bulag nga daw ako at bakit siya ang aking piniling mapa-ngawasa.
Roselyn
Dear Ms. Roselyn,
Alam mo bilib ako sa iyo. May mga tao na sadyang mahal nila ang kanilang asawa at wala silang pakialam sa mga kamag-anak ng kanilang asawa, lalo na sa kanilang biyenan. Mabuti ikaw, pinakita mo sa lahat na hindi lang dapat ang asawa natin ang ating mamahalin kundi kasama sa pag-aasawa ang pagmamalasakit lalo sa matanda at may sakit nating kamag-anak.
Huwag mo na lang patulan ang kuya mo at ganun din ang sabihin mo sa iyong asawa. May point naman ang kuya mo, malamang nag-aalala lamang siya sa inyong kalagayan. Kaya hindi mo rin siya masisisi.
Ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo para sa asawa mo at sa biyenan mo. Malaking pagpapala ang naghihintay sa iyo.
DR. LOVE
- Latest