May anak sa Pagkadalaga
Dear Dr. Love
Belated happy Easter po sa inyo at sa lahat ng masugid na sumusubaybay ng inyong bantog at malaganap na kolum.
Tawagin n’yo na lang akong Lolita. May anak ako sa pagkadalaga at ito’y hindi lingid sa aking asawa bago niya ako pakasalan. Ten years old na ang anak kong lalaki na bunga ng isang kapusukan. Pumatol ako sa una kong bf pero iniwanan ako nang malamang buntis ako.
Sa kabila nito, pinakasalan pa rin ako ng aking asawa. Hindi ko siya masyadong mahal pero napilitan ako para may kilalaning ama ang anak ko. Sa una ay maayos ang aming relasyon. Dalawang taon pa lang ang anak ko noon. Sabi niya ituturing niyang kanya ang aking anak at tuwang-tuwa ako.
Sa paglipas ng ilang taon ay nagbago siya. Laging ginagabi at madalas amoy alak. Minsan nga ay nakita kong may bahid ng lipstick ang kanyang polo pero hindi ko na isinumbat sa kanya. Hanggang malaman ko na may iba na siyang babaeng kinalolokohan.
Nang tanungin ko siya, umamin siya at sinabing ibig niyang magkaroon ng sariling anak. Sawa na raw siya sa pag-angkin ng batang hindi naman sa kanya. Masakit marinig sa mga labi niya ‘yon.
Hindi ko alam kung bakit hindi niya ako naanakan dahil wala sa akin ang problema. Na-develop na rin ang pagmamahal ko sa kanya kaya nasasaktan ako sa ginagawa niya. Pagpayuhan mo po ako.
Lolita
Dear Lolita,
Wala siyang puwedeng isumbat sa iyo dahil wala kang inilihim sa kanya. Kusa ka niyang pinakasalan at tinanggap kahit may anak ka sa ibang lalaki. Kung ang dahilan niya ay ibig niyang magkaanak, bagay na hindi mo maibigay sa kanya, malamang nasa kanya ang problema.
Magpatingin muna siya sa doktor para malaman kung baog siya o hindi. Kasi kahit lahat ng babae ay sipingan niya, hindi siya magkakaanak kung talagang sterile siya. Huwag ka niyang sisisihin.
Sa tingin ko, ginagawa lang niyang alibi sa kanyang pambababae ang hindi niya pagkakaroon ng anak sa’yo. Wala akong maipapayo sa iyo kundi dalawang bagay: magtiis o hiwalayan mo siya kung nasasaktan ka sa ginagawa niya. May ground ka kung magpa-file ka ng annulment. Marital infidelity.
Dr. Love
- Latest