May bipolar ang boyfriend
Dear Dr. Love,
Magmula nang sumemplang sa motorsiklo ang boyfriend kong si Landskie, nagbago ang ugali niya. Minsan ay mabait pero madaling magbago ang mood niya at nagiging mainitin ang ulo.
Tawagin mo na lang akong Eliza at nakatakda na kaming ikasal ni Landskie nang mangyari ang sakuna kaya na-postpone ang aming plano. Na-coma siya ng tatlong araw at akala ko ay wala na siyang pag-asa.
Kaya laking tuwa ko nang magbalik ang kanyang malay. Anim na buwan na ang nakararaan mula noon at akala ko ay back to normal na ang kanyang kondisyon.
Pero may pagkakataon na masaya siya nga-yon, tapos biglang hindi na kikibo. Madalas, bigla na lamang iinit ang ulo niya nang walang dahilan.
Sa ibang salita, mahirap na siyang ispelengin pero inuunawa ko siya dahil alam kong ito ay bunga ng aksidenteng sinapit niya.
Limang taon na kaming engage at nag-ipon lang kami kaya tumagal bago kami magpasyang magpakasal.
Ngunit aaminin ko na iniisip ko rin ang aking kinabukasan. Baka ang kalagayan niyang ito ay maging rason lamang ng aming paghihiwalay pagdating ng araw.
Ano po ang gagawin ko?
Eliza
Dear Eliza,
Huwag muna kayong magpakasal at magtiyagang ipagamot siya. Baka naman temporary condition lang iyan dahil anim na buwan pa lang naman magmula nang mangyari ang sakuna.
Tanungin mo kung ano ang prognosis ng doktor sa kanya, kung posible bang manumbalik pa rin ang kanyang katinuan. But most of all, pray for a miracle dahil walang imposible sa Diyos.
Kung mahal mo siya, magtitiyaga kang maghintay sa pagbabalik ng katinuan ng kanyang isip. Kailangan ni Landskie unang-una ang pa-nalangin at pagpapagaling ng isang espesyalista sa isip.
Dr. Love
- Latest