Isip-isip bago mag-yes
Dear Dr. Love,
Hindi naman ibig sabihin na marami akong naging karelasyon ay mababang uri na ako ng babae.
Naiinis tuloy ako sa mga lalaki. Sobrang take advantage sila. Oo, inaamin kong madali akong mapasagot ng isang lalaki at nahuhulog agad ang loob. Minsan nga parang uto-uto ako kapag crush ko rin ang guy.
Ako aaminin ko ‘yun, kaya nga nila ako nilalapitan. Kaso naabuso nila ang kabaitan ko sa kanila.
Ang isang naging bf ko, nalaman kong pinagpustahan pa nila kung mapapasagot ako.
Matapos nila akong lambingin at gawing dekorasyon na para i-display sa mga barkada nila at mga kamag-anak, bigla na lang akong iiwanan at sasabihing hindi na nila ako mahal.
Masakit po sa akin bilang babae na lokohin ng mga lalaking mapagsamantala.
Minsan may pangit na manliligaw ako, pangit na nga ang angas pa ng ugali. Sobrang yabang! Akalain mong ipagkalat na naka-score na siya sa’kin.
Kaya ngayon po natuto na ako. Kahit sinong lalaki, hindi ko nabibigyan ng pagkakataong manligaw sa akin.
Gusto ko po sana makatagpo ng tunay na magmamahal sa akin at hindi ‘yung kukunin lang ang loob ko at saka ako lolokohin. Nakakadala po kasi. Hanggang dito na lang po.
Estella Mae
Dear Estella Mae,
Mabuting umiwas ka muna sa mga lalaki kung alam mo nang lolokohin ka lang. Focus ka muna sa pag-aaral mo o sa work mo at sa iyong mga kapamilya. Hindi naman lahat ng lalaki ay manloloko. May mga mapagsamantala lang talaga.
Makakatulong kung isusulat mo ang mga katangian ng iyong ideal man, na pwede mong maging bf. Syempre hindi naman ‘yung perfect guy, dahil wala nun. Hanapin mo ‘yung may takot sa Diyos at magalang sa mga babae. May respeto, lalo na sa parents mo.
Huwag naman basta-basta mo sinasagot, pwedeng pag-aralan mo muna ang ugali at background ng lalaki para hindi ka maloko uli.
Ingat-ingat din.
Dr. Love
- Latest