Inspirasyon ang biyanan
Dear Dr. Love,
Minsan ko lang gawin ito, gusto ko lang pasayahin ang biyanan kong babae sa kaarawan niya. September 11 ang birthday niya.
Laging siya na lang ang nagbibigay sa amin ng sorpresa. Nasa abroad kasi siya. Nakakatuwa lang, hindi siya ang inaakala kong magiging biyanan na ubod ng bait.
Dahil nanliligaw pa lang ako, may takot ako sa kanya. Akala ko matapang at masungit siya tulad ng ibang mga nanay. Tuwang-tuwa ako sa ginagawa niyang kabutihan para sa amin, sa kanyang anak at mga apo.
Sayang patay na ang biyanan kong lalaki. Sobrang bait din nun. Pareho silang may pang-unawa sa kanilang mga anak. Nabago tuloy ang pagtingin ko sa mga biyanan. Hindi pala masama ang biyanan tulad nang napapanood ko sa TV.
Kahit magkasintahan palang kami ng misis ko. May respeto sila sa akin. Ang gusto lang nila, sa bahay ako papanik ng ligaw at magpapaalam. Wala pang cellphone noon, kaya mahirap pa ang communication, pero buo ang tiwala nila sa akin. Kaya naman hindi ko sila binigo. Pinakasalan ko ang misis ko sa simbahan nang walang laman ang tiyan.
Hindi naman dahil may naibibigay na biyaya ang biyanan ko kaya nagpapasalamat ako sa kanya. Para sa akin, sapat na ang kabutihang ipinakikita niya sa amin. Ang kanyang mga ginintuang paalala at mga pangaral lalo na sa aming mga anak.
Naghahalo ang aking nararamdaman dahil ulila na ako sa mga magulang. Kahit wala sila, ang biyanan ko ang nagiging inspirasyon ko kung paano magpalaki ng anak nang maayos.
Maraming salamat po at maligayang kaarawan, Nanay Remy. Lagi kayong nasa aming puso at isipan. Salamat po sa inyong malasakit sa amin at sa inyong pagmamahal. ‘Yun lang po! Salamat din po sa inyo, Doc.
Jepoy
Gagalangin, Tondo Manila
Dear Jepoy,
Dama ko ang iyong kagalakan para sa iyong biyanan. Tama ang iyong ginawa. Madalas na-ting nararanasan ang tulong ng ating mga biyanan kaso minsan mas naalala natin ang kanilang kasu-ngitan at pagpuna.
Bihira lang ang tulad mong nagpapasalamat sa mga biyanan. Kung ako ang masusunod, sana may araw din ng mga biyanan. Pero kahit wala nun, ang mahalaga sa araw-araw nakikita natin ang kanilang malasakit sa ating mga pamilya. Happy birthday sa biyanan mo.
DR. LOVE
- Latest