Nawalang parang bula, sumulpot na bigla!
Dear Dr. Love,
Hello po at isang magandang araw sa inyo pati na sa lahat ng readers ng inyong napakamalaganap na column.
Ako po ay kabilang sa napakarami ninyong tagasubaybay mula po sa Quezon Province. Tawagin n’yo na lang akong Gigi, 27 anyos at single pa.
May kinalaman ang problema ko sa aking kasintahan na nasa Davao City. Matagal na rin kaming hindi nagkikita. May mahigit isang taon na kaming walang komunikasyon. Sa first year ay madalas kaming mag-usap sa text at sa social media, pero katagalan, wala na.
Unti-unti ko siyang nakalimutan nang makilala ko ang present na bago kong kaibigan. Wala pa siyang proposal pero nagkakahulugan kami ng loob. Napamahal na po siya sa akin at parang ganoon din ako sa kanya. Ang problema ko po ay nag-message sa akin ang boyfriend ko sa probinsiya at pinapupunta niya ako sa Davao at magpapakasal daw kami. Nabigla ako. Biruin mong isang taong walang komunikasyon tapos magyayayang magpakasal?
Kaso, ramdam kong mas mahal ko na itong bago kahit ‘di pa nagtatapat. Meron na kaming mutual understanding. Ano gagawin ko? Sino ang pipiliin ko?
Gigi
Dear Gigi,
Una sa lahat, bago ka magdesisyon ay timbangin mo muna ang situwasyon. Mahal mo ba talaga ang iyong bagong love interes, baka na-miss mo lang ang boyfriend mo? Alamin mo rin kung bakit napakatagal na panahong hindi siya nakipagtalastasan sa iyo. Para ngang hindi maganda na maglalaho siya ng isang taon, tapos biglang magyayaya ng kasal.
Hindi ko alam pero baka may mabigat na dahilan kung bakit. Iyan ay bagay na alamin mo muna. Ikaw lang at wala nang iba ang puwedeng pumili kung sino ang lilimutin mo, okey?
Dr. Love
- Latest