Nang makakilala sa Panginoon
Dear Dr. Love,
Nagpupugay po ako sa inyo, pati na sa mga libo-libong sumusubaybay ng inyong kolum. Tawagin n’yo na lang akong Estoy, 25 anyos at wala pang asawa. Isa po akong waiter sa isang kilalang restaurant.
May girlfriend ako pero siya ay hiwalay sa asawa, kaya hindi ko mapakasalan. Wala siyang anak sa hiniwalayan niyang asawa dahil nang-uumbag.
Paminsan-minsan lang kami kung mag-date pero ginagawa namin ang bagay na ginagawa ng mag-asawa.
Sa kadadalo ko ng mga bible studies ay nakakilala ako sa Panginoon. Mahal ko ang aking girlfriend pero nalaman ko na ito ay mali, kaya nagsimula na ako na iwasan siya. Pero dahil sa pag-iwas na ito ay nagtampo siya sa akin. Hindi niya maunawaan ang pagbabagong nangyari matapos kong tanggapin sa puso ko si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas.
Nagkakaroon ako ngayon ng guilty conscience dahil masama ang loob niya sa akin. Ano gagawin ko?
Estoy
Dear Estoy,
Tama ang desisyon mo. Hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang pakikiapid. Salamat at nakakilala ka sa Panginoon.
Sana ay maibahagi mo rin sa iyong dating kasintahan ang iyong karanasan upang siya man ay makakilala rin. Kung hindi siya tatanggap sa Panginoong Jesus, mahirap niyang maunawaan ang nangyari sa iyo. Ngunit kung sa kabila ng iyong effort ay masama pa rin ang loob niya sa iyo, huwag ka nang mabagabag sapagkat ang ginawa mo sa harap ng Diyos ay tama.
Dr. Love
- Latest