Makasarili
Dear Dr. Love,
Sa sobrang hiya ay hindi ko na yata alam kung paano ako nakapag-react nang kausapin ako ng mga magulang ng boyfriend kong si Leo. Sinabi nilang unawain ko muna ang kalagayan ng kanilang anak kung bakit hindi pa ito makakapagpakasal. Dahil kailangan makatapos muna ang pinag-aaral na kapatid, na nakatakdang mag-martsa sa loob ng dalawang taon.
Dr. Love, ang pangungulit ko kay Leo ay dahil sa ilang taon na rin niyang pangako sa akin.
Pero na-realize ko kung bakit ko nga ba siya pini-pressure magpakasal, samantalang kahit ako ay may obligasyon din sa pagpapaaral ng aking kapatid. Kaya lang po ang totoo, kung minsan ay nakakaramdam ako ng tiyaga sa iniatang na responsibilidad sa akin ng mga magulang ko. Kaya naiisip kong humanap ng katuwang para maisakatuparan ang sarili kong pangarap.
Nasa 40-anyos na po ako at gusto ko nang magkaroon ng sariling pamilya. Nangangamba ako na baka hindi na ako magka-anak kapag nagtagal pa bago ako makapagpakasal.
Minsan magkausap kami ni Leo at binanggit ko uli ang kasal. Pinapili ko siya, Dr. Love kung kapatid o pangako sa nobya. Tinalikuran niya ako, sabay bitaw ng sakit na salitang, makasarili.
Bago siya tuluyang lumayo, sinabi niya na sakaling magbago ang isip ko i-approach ko siya at nakahandaa raw siyang tanggapin ako.
Mabilis na lumipas ang dalawang taon mula nang maghiwalay kami ni Leo. Malamang graduate na rin ang kapatid niya. Nag-iisip akong kausapin siya pero nauunahan ako ng pride ko. Ano po ang maipapayo ninyo, Dr. Love?
Maraming salamat sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito. Sana mabasa niya ito dahil paborito niya ang column ninyo.
Gumagalang,
Perlita
Dear Perlita,
Wala namang mawawala kung kakausapin mo siya, kaysa pagsisihan mo habang buhay na kahit minsan ay hindi mo sinubukang gawin ang dapat. Anong malay mo pinananabikan niya rin ang sandaling makausap ka uli.
DR. LOVE
- Latest