Iresponsableng mister
Dear Dr. Love,
Hello, Dr. Love at kumusta po kayo? Sana ay mapaunlakan mo ako sa hinihingi kong counseling na ito.
Tawagin mo na lang akong Lucina dating nagtatrabaho sa ibang bansa. Heto po ang problema ko. Dati’y hirap ang buhay naming mag-asawa hanggang ipasya kong magtrabaho sa Dubai. Ito ang dahilan kung bakit medyo umasenso kami.
Pero sa pag-asensong ito ay nakita ko ang pagbabago sa ugali ng mister ko. Naging tamad siya at nag-resign sa trabaho dahil malaki ang kinikita ko. Wala akong kamalay-malay sa abroad na wala na pala siyang trabaho.
Nang bumalik ako sa Pilipinas, akala ko’y may kaayusan na ang tahanan. Parang dati pa rin ang aking dinatnan. Isa pa, nalulong sa masamang bisyo ng pag-iinom ang asawa ko. Dahilan ito para mawala ang respeto ko sa kanya.
Dr. Love, ibig ko na siyang hiwalayan. Ang kailangan kong katuwang sa buhay ay yaong responsable at masikap para magkaroon ng future na maganda ang aming pamilya.
Ano po ang maipapayo ninyo?
Lucina
Dear Lucina,
Makikipaghiwalay ka para makahanap ng responsible at masikap na partner sa buhay? Ewan ko lang pero paano mo matitiyak na makakakuha ka ng ibang mas mabuti kaysa sa naging tamad mong asawa. Paano kung masahol pa pala ang makuha?
Pero karapatan mong magdesisyon sa sarili mong problema. Ngunit balido ang kasal mo sa iyong asawa at bago ka makipagrelasyon sa iba, kailangan munang mawalan ng bisa ang kasal mo.
Kumunsulta ka muna sa abogado sa bagay na iyan.
Dr. Love
- Latest