Nagkaroon ng takot sa pagbubuntis
Dear Dr. Love,
Nasa ikatlong buwan na po ako ng aking pagbubuntis. Marapat sana na exciting ang bawat araw na nalalapit ang pagdating ng aming baby ni Efren pero napapalitan po ito ng takot, tuloy nawawala ang kaligayahan.
Wala ho kasing bukam-bibig ang asawa ko kundi ang masaklap na karanasan nila ng kanyang unang asawa. Namatay po ito sa panganganak, hindi rin nakaligtas ang sanggol.
Akala ko nakalimutan na ni Efren ang bagay na ito. Pero nagkamali ako. Tuloy sa halip na pagkaabalahan namin ang pamimili ng mga gamit ng baby at ang paghahanda ng nursery room, nahahawa na rin ako sa matinding takot ni Efren, na mangyari rin sa akin ang sinapit ng nauna niyang mag-ina.
Pero sinisikap ko po itong labanan, dahil tiniyak ng ob-gyne ko na maganda ang kondisyon ng aking kalusugan para sa pagbubuntis.
Pagpayuhan po sana ninyo ako kung paano ko matutulungan ang asawa ko na kumalma at magkaroon ng panatag na kalooban. Gusto ko pong maunawaan niya na ang kapalaran ng nauna niyang asawa at anak ay hindi ko tadhana, maging ng aming magiging baby.
Regards at dalangin ko po na sana lagi kayong nasa maayos na kalusugan. Ia-advance ko na rin po ang pagbati ko sa inyo para sa makabuluhang Pasko at Masaganang Bagong Taon!
Gumagalang,
Alma
Dear Alma,
Hindi madali ang pinagdaraanan ngayon ng iyong asawa, kaya sa lahat ng pagkakataon ay sikapin mo na maging positibo para siya ang mahawaan mo nito.
Makakatulong kung maisasama mo ang iyong mister sa pagpa-prenatal check up mo at para mapaliwanagan din siya ng iyong doktor tungkol sa kondisyon ninyo ni baby.
Lagi mo rin ipagdasal ang iyong asawa, na hipuin ng Diyos ang kanyang puso at bigyan ng kapahingahan sa anumang pangamba kaugnay sa iyong pagbubuntis. Hindi nauubusan ng paraan ang Diyos kaya pagkatiwalaan mo Siya sa lahat ng bagay.
DR. LOVE
- Latest
















