Nakakulong sa nakaraan
Dear Dr. Love,
Maraming beses ko nang sinubukang ganap na kalimutan ang nagawang kamalian ng boyfriend ko, para hindi masayang ang mahigit pitong taong relasyon namin. Pero kapag nasasaling ng usapan namin ang mga nakaraan, bumabalik din ang galit.
Mula nang makilala ko si Adrian, trinato niya akong pinakamahalaga sa buhay niya. Nasanay ako sa ganung treatment. Bago siya mag-decide, ipinapaalam muna niya sa akin at hinihingi ang permiso.
Lagi rin akong kasama sa bawat sandali na makaramdam siya ng gutom. Kung hindi kami magkasabay, may bitbit siya para sa akin. Higit sa lahat, hindi siya naglilihim o nagsisinungaling sa akin.
Pero minsang magkatampuhan kami, isang kakilala ang nag-alok ng comfort sa kanya. Sa madaling salita, kulang na lang ialok ang sarili. Aminado naman si Adrian na muntik nang may mangyari sa kanila.
Kahit hindi ‘yun natuloy, Dr. Love…para akong mamamatay sa sakit ng kalooban. Mahal na mahal ko ang boyfriend ko. Pero hindi ako makakawala sa mapait na nakaraan na ‘yun. Tulungan po ninyo ako. Early this year ay nagpaparamdam ng kasal ang boyfriend ko, naguguluhan po ako kung dapat ko bang tanggapin ito. Payuhan po ninyo ako.
Maraming salamat and more power.
Claire
Dear Claire,
Iisa ang sinasabi ng mga babaeng nagmahal ng todo at nauwing niloko ng nobyo. Pero tapos na ang bahaging iyon sa inyo, kaya huwag mong hayaang makulong ka sa galit na napagdaanan mo na.
Kausapin mo nang masinsinan ang boyfriend mo at ipagtapat mo sa kanya ang pinagdaraanan mo tungkol dun. Hingin mo rin ang tulong niya para tuluyan nang mabaon ‘yun sa limot. Sa palagay ko, higit kanino man, siya ang higit na makakatulong para maibalik ang seguridad mo sa inyong relasyon.
Epektibo ring tagapaghatid ng kapanatagan ang salita ng Diyos. Kaya kada mararamdaman mo na naman ang pait ng nakaraan. Bigyan mo ng pagkakataong makakilos ang Diyos sa puso mo, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang salita. Dahil there is a real power in His words.
Isa pa, kung wagas ang pagmamahal mo kay Adrian, nakakatiyak akong malalampasan mo ‘yan.
DR. LOVE
- Latest