Gusto nang mag-propose sa gf
Dear Dr. Love,
Never in my whole life na nagkaroon ako ng seryosong attachment sa pakikipagrelasyon sa isang babae. Ngayon lang po ako nakadama ng totoong pag-ibig kay Martha kaya nakakaisip na akong mag-propose sa kanya, kahit pa ang alam niyang I’m not the marrying type.
Pero hindi po ang tungkol dito ang problema, kundi ang pagtutol ng pamilya ko na makatuluyan siya. Kung anu-ano na ang kapintasang sinasabi nila tungkol kay Martha, na may anak daw sa pagkadalaga, mahirap pakibagayan, sosyal at dominante.
Wala na po kaming magulang, si Ate Gemma ang tumayong tagapagtaguyod naming magkakapatid. Kaya kung ano ang palagay niya, ganon na rin ang stand ng dalawa ko pang kapatid na babae.
Ako po ay 35-anyos na, may matatag na trabaho, magandang posisyon, kaya sa madaling salita ay may sinabi na para magtayo ng sarili kong pamilya. Pero hindi ko alam kung ano ang gagawin ko para magustuhan ng pamilya ko ang babaeng mahal ko. Ayaw ko po naman na maging hidwaan naming magkakapatid ang pagpo-propose ko kay Martha ng kasal. Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat at more power.
Gumagalang,
Ferdie
Dear Ferdie,
Pag-ukulan mo ng sapat na panahon para makausap nang heart to heart ang mga kapatid mo. Sabihin mo ang kalooban mo sa kanila, ngayon kung magmatigas sila sa hindi pagsang-ayon, wala ka nang magagawa roon.
Tama ka, hindi ka na menor de edad, kaya makakapagdesisyon ka na para sa sarili mo, lalo na kung ang nakataya ay ang sarili mong kaligayahan. Para sa akin, go for it o habang buhay mong pagsisisihan kung babalewalain mo ang feelings mo para sa iyong girlfriend. Nasa iyo pa rin ang pagpapasya.
DR. LOVE
- Latest