Nasaan si Papa?
Dear Dr. Love,
Lumiham po ako sa inyong malaganap na column sa pag-asang mababasa ito ng aking ama na matagal nang ayaw makipag-ugnayan sa amin ng aking ina.
Ang huli naming pagkikita ay nang sadyain namin siya sa aming bahay sa Batangas kung saan malapit lang ang kanyang trabaho. Pero ang bumulaga sa amin ay ang pagkadiskubre sa bagong babae na ibinabahay ni papa.
Agad akong pinalabas ng aking ina nang magkaharap sila ni papa. Kaya hindi ko na alam ang mga sumunod na pangyayari. Hindi ako sigurado kung ang babae sa likod-bahay na naglalaba ng damit ng aking ama ang kabit niya.
Hanggang sa bumalik kami ng Maynila ay nanatiling tikom ang bibig ng aking ina. Napakaraming tanong sa isip ko, Dr. Love. Bakit hindi na nagpapadala ng suporta si papa, hindi ko na rin siya ma-contact kahit ang account niya sa facebook ay wala na rin. Bakit nararamdaman kong lunod sa hinanakit ang aking ina pero wala siyang sinasabi sa akin na kahit ano?
Pinamamahayan na po ng galit ang dibdib ko para sa aking ama, na umabandona sa amin. Ang paglayo namin sa aking ama at paninirahan sa aming bahay sa Quezon City ay dahilan sa aking pag-aaral. Pero isang taon lang ang lumipas, sira na ang dating masaya naming pamilya. Legal po ang pagsasama ng aking mga magulang.
Pagpayuhan po ninyo ako kung paano ko tutulungan ang aking ina? Maraming salamat po at God bless.
Gumagalang,
Charmaine
Dear Charmaine,
Ang pinakamagandang tulong na magagawa mo sa iyong ina ay mag-aral ka ng mabuti. Sikapin mo na makakuha ng scholarship para libre ang iyong pag-aaral.
Sakaling gustuhin ninyong idaan sa legal ang paghahabol ng sustento mula sa iyong ama, lumapit kayo sa Public Attorney’s Office para sa payong legal. Kasama mo ako sa panalangin na maging maayos ang kalagayan ninyong mag-ina at matauhan ang iyong ama.
DR. LOVE
- Latest