Natutukso sa malaking ‘kita’
Dear Dr. Love,
Isa po akong dalagang ina, nasa Grade 8 na ang aking anak ipinaglaban kong buhayin sa kabila ng pagtutol ng sariling magulang, dahil hindi ako pinanagutan ng boyfriend ko.
Itinakwil ako ng mga magulang ko nang magbuntis. High school lang ang natapos ko at sa kagustuhang maitaguyod ang aking anak ay namasukan ako bilang kasambahay sa amo na gaya ko rin na dalagang ina. Tatlo po ang mga anak ni Mam Gigi.
Noong una akala ko, sa call center pumapasok ang amo ko. Pero nang minsan nakita ko siya sa kanyang silid habang may kausap na lalaki sa internet na naka-topless, nadiskubre kong call girl siya. Sinabi niyang sa hanap-buhay niyang ito kinukuha ang malaking halaga para buhayin ang kanyang mga anak.
Dahil dito, nagkaroon po ako ng idea kung paano kami makakaahon ng anak ko sa hirap.
Ang pangamba ko lang po ay baka sumpain ako ng aking anak kung mako-callgirl ako.
Payuhan mo po ako, Dr. Love. Wala po akong hindi gagawin, alang-alang sa kinabukasan ni Lisa.
Maraming salamat po at God bless.
Gumagalang,
Concha
Dear Concha,
Pakinggan mo ang pangambang nararamdaman mo sa iyong kalooban. Dahil ang bagay na iniisip mo para ipantustos ninyong mag-ina ay maaaring madaling paraan para kumita ng malaki, pero mali.
Gayunman, ikaw pa rin ang magdedesisyon para sa inyong buhay. Kung maaatim mo na ang ipapakain mo sa iyong anak ay galing sa masama, sa palagay ko hindi ka na mag-aatubili. Pero dalangin ko na anuman ang kalagayan natin sa buhay, sikapin natin na piliin pa rin ang tamang paraan para mabuhay.
DR. LOVE
- Latest