Sinisilipan ng amain
Dear Dr. Love,
Nagngingitngit po ang kalooban ko dahil ayaw akong paniwalaan ni nanay na sinisilipan ako ng aking amain.
Ang sabi ni nanay ay imahinasyon ko lang daw iyon. Pero hindi ko po mapapalampas ‘yun kaya inalerto ko ang aking sarili, lalo na sa oras ng pagtulog. At para mapaghandaan ang posibleng pananamantala ng aking amain laging nasa tabi ko ang hinahasa kong kutsilyo.
Nangyari po ang inaasahan ko. Sa pagkakataong ito ay nakahiga at natutulog ako sa sopa nang lapitan niya. Nang tanggalin niya ang kumot ko ay saka ko siya mabilis na inundayan ng saksak. Pasalamat siya at sa kamay lang siya tinamaan.
Noong araw din iyon ay nagpunta ako sa barangay para ireklamo siya. Nag-alibi siyang kinukumutan lang ako pero hindi naniwala ang barangay. Ang masaklap po ay pinauurong ni nanay ang reklamo dahil wala naman daw nangyari sa akin.
Hindi niya kayang hiwalayan ang kinakasama niya sa kabila ng lahat. Kaya hindi na po ako nagpatumpik-tumpik at bumalik na sa aking lola. Pinutol ko na po ang komunikasyon kay nanay, matapos niya akong hiyain at pagmukhaing malisyosa sa paningin ng lahat.
Sinabi ni lola na mag-aral ako ng mabuti para hindi magaya kay tatay na hindi nakatapos. Siniguro din niya na sa akin niya iiwan ang bahay at lupa. Sakaling matauhan daw si nanay at iwanan ang kinakasamang manyakis ay tanggapin ko raw.
Salamat po sa pagbibigay daan n’yo sa letter ko. Happy New Year!
Gumagalang,
Chris
Dear Chris,
Normal lang na magalit ka sa iyong amain dahil sa pagtatangka niya sa iyo. Pasalamat tayo sa Dios dahil hindi ‘yun nagtagumpay. Mainam din at nailayo mo ang sarili mo sa iyong amain.
Ang sa akin lang, sana dumating ang sandali na pareho mong mapatawad ang iyong amain, lalo na ang iyong ina. Dahil ang pagkikimkim ng galit, kailan man ay hindi makakatulong sa atin. Patnubayan ka nawa ng Dios. Happy New Year din sa’yo!
DR. LOVE
- Latest



















