Kakapit ba sa patalim?
Dear Dr. Love,
Taos-puso akong bumabati sa iyo at sa lahat ng mga sumusubaybay sa Dr. Love. Sana’y puno ng biyaya para sa iyo at sa iyong pamilya ang papasok ng taong 2015.
Dr. Love, tawagin mo na lang akong Helga, 30-anyos. Noong nakaraang taon ay namatay sa isang aksidente sa motor ang aking asawa. Mayroon akong apat na anak at siya lang ang bumubuhay sa amin.
Marunong naman akong mag-manicure at iyan ang ipinantatawid ko sa aking pamilya. May nanliligaw sa akin na matanda, 57-anyos na siya at may asawa.
Mayaman siya dahil isa siyang negosyante. Inaalok akong magsama kami at bubuhayin niya ang aking buong pamilya.
Maraming nanliligaw sa akin pero lahat sila’y puro mahirap at hindi kayang bumuhay ng pamilya. Nag-iisip ako kung papatol ako sa alok na ito.
Tulungan mo akong magpasya, Dr. Love.
Helga
Dear Helga,
Ang kumakapit sa patalim ay tiyak nasusugatan. Okey lang marahil kung isa siyang biyudo pero sabi mo nga, may asawa na ang matandang nanliligaw sa iyo.
Kasalanan iyan sa Diyos at kahit sa batas ng tao kaya kalimutan mo na iyan. Ang kasal ay sagrado at hindi pinapasok kung walang pag-ibig na namamagitan.
At kung may pag-ibig man pero ang iibigin ay may pananagutan na, mali pa rin.
Dr. Love
- Latest