Umbagero ang mister
Dear Dr. Love,
Buo na po ang loob ko na ayaw ko nang makisama pa sa aking asawa dahil masyado na niyang inaapakan ang pagkatao ko.
Dati namang masaya ang pagsasama namin ni Mario kahit na kapos sa maraming pangangailangan. Pa-ekstra-ekstra lang po kasi siya sa trabaho at para makatulong ay naglalabada po ako.
Pero nahumaling siya sa alak at naging magagalitin. Pinagbubuhatan niya na rin ako ng kamay kahit pa sa kaunting bagay lang.
Isa sa mga ipinaglalabada ko ay isang chairman, tinulungan po niya ako na makapag-Hong Kong. Nang makabuwelo ay lumuwas na pa-Maynila ang nanay ko kasama ang dalawa kong anak.
Pero natunton ni Mario ang kinaroroonan nila at pilit na kinukuha ang mga bata. Salamat na lang at nakahingi ng saklolo ang nanay ko. Pero nagbanta pa rin ang kanilang ama na hindi titigil hangga’t hindi nakukuha ang aking mga anak.
Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love. Salamat po.
Gumagalang,
Elisa
Dear Elisa,
Para matapos ng malinaw ang sigalot sa pagitan ninyong mag-asawa, idaan mo sa pormal na proseso. Mag-usap kayo sa harap ng abogado at linawin ang puno’t dulo ng problema ninyo.
Saka kayo magkasundo kung paano mas magiging mabuti ang lahat, maiiwasan na maiskandalo ang mga bata at para mawala ang pangamba ng anumang pagbabanta.
Sikapin mo ring buksan ang kalooban mo, sakaling humingi ng tawad ang asawa mo at makiusap ng isa pang pagkakataon. Lahat naman tayo ay nagkakamali. Anong malay mo, talagang natutunan na niya ang leksiyon niya.
Bilang asawa niya, mararamdaman mo naman ang sinseridad sa iyong mister kaya sana magkaroon ng isa pang konsiderasyon para mabuo ang inyong pamilya.
DR. LOVE
- Latest