Pakakasalan nang nabiyudong amo
Dear Dr. Love,
Isang kaibigan ko ang nag-introduce sa akin sa Pilipino Star Ngayon last year at simula noon ay nakaugalian ko na itong basahin at kulang ang araw ko kung hindi ako nakakabasa ng pahayagang ito, lalo na ang column na Dr. Love.
Tawagin mo na lang akong Irma, isang kasambahay sa Kalookan at isang biyuda. Ang kaisa-isa kong anak ay naiwan sa aking mga biyenan sa Cebu. Ako ay 30-anyos lang at may itsura.
Tatlong taon na ako sa pinaglilingkuran kong tahanan at mabait ang aking among lalaki na si Mr. Golez, 43-anyos. Noon pa man ay napapansin kong mabait siya sa akin pero hindi siya nagpakita ng pagnanasa ni-minsan. Pero nararamdaman ko na may gusto siya sa akin.
Last year ay namatay ang kanyang misis sa sakit na breast cancer at kabababang luksa lamang ng kanyang pamilya. Iisa lang ang anak nila ng kanyang asawa.
Nagulat ako nang isang araw ay magtapat siya sa akin ng pag-ibig. Handa raw niya akong pakasalan ngayong nag-iisa na lang siya sa buhay. Nag-aalangan ako dahil isa lang akong katulong. Sabi ko ay pag-iisipan ko munang mabuti. Tulungan mo akong mag-decide, Dr. Love.
Irma
Dear Irma,
Kung tapat ang intensyon sa iyo ni Mr. Golez, nasa iyo ang pagpapasya. Kung mahal mo rin siya ay walang masamang magpakasal kayo dahil pareho naman kayong malaya na.
Pero tama ka. Isipin mo munang mabuti at magsagawa ka ng ebalwasyon kung dapat mo ba siyang mahalin at pakasalan.
Naniniwala naman akong malinis ang intensyon niya sa iyo dahil noon pang una na nabubuhay ang kanyang asawa ay hindi siya nagpakita ng masamang pagnanasa sa iyo.
Dr. Love
- Latest