Gusto nang mag-asawa uli
Dear Dr. Love,
Isang pinagpala at mabiyayang araw sa iyo, Dr. Love. Kabilang ako sa maraming sumusubaybay sa iyong column at tulad nila, hanap ko rin ang maganda mong payo sa aking problema.
Nawa ay mapaunlakan mong itampok ang aking sulat sa malaganap mong column, sa paborito kong Pilipino Star Ngayon.
Tawagin mo na lang akong Mina, 39-anyos at dalawang taon nang biyuda. Teenager na ang kaisa-isa kong anak na babae at nasa ikatlong grado ng high school. Mag-isa ko siyang itinaguyod kahit ako’y isa lamang saleslady. Sa totoo lang, hirap na hirap ako dahil maliit lang ang kinikita ko.
Nagkaroon ako ng boyfriend na kapareho kong biyudo. Isa siyang business executive at niyayaya akong pakasal. Alam kong malaking tulong siya sa akin sa pagtataguyod ng aking anak at nangako naman siyang gagawin niya ‘yon.
Kaso, madalas kong marinig sa anak ko na ayaw niya akong mag-asawa kaya hindi ako makapagsabi sa kanya at baka siya magtampo. Ano ang gagawin ko?
Gusto kong maunawaan ng anak ko ang aking kalooban, na nagnanais magkaroon ng katuwang sa buhay. Pero hindi ko alam kung paano ito gagawin. Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat.
Gumagalang,
Mina
Dear Mina,
Gawin mong dahan-dahan ang lahat. Hayaan mong makabisita sa inyong bahay ang iyong boyfriend, pero ipakilala mo muna siya bilang kaibigan.
Hayaan mo silang magkaroon ng pagkakataon na makasalamuha ang isa’t isa. Kapag nakapalagayan na siya ng loob ng iyong anak ay saka kayo unti-unting magpahiwatig tungkol sa inyong dalawa. Kapag nakita mo na positibo ang reaksiyon niya, magandang pagkakataon siguro ‘yon para i-open mo sa kanya ang plano mong mag-asawang muli.
Sa usapan na may sinseridad at pagmamahal, sa palagay ko ay mauunawaan ka ng iyong anak.
Dr. Love
- Latest