Edukada pero kabit
Dear Dr. Love,
Tatlo po kaming malalapit na magkaibigan mula pa noong graders kami sa paaralan hanggang matapos ang aming college degree. Kahit na nang kami ay nagtatrabaho na, kami pa ring tatlo nina Elena, Edna at ako ang magkakasamang umuupa sa isang apartment malapit sa aming mga opisina para makatipid.
Wala kaming problema sa isa’t isa, hati kaming tatlo sa ibinabayad na renta sa bahay, tubig at ilaw at maging sa pagkain, paglilinis ng apartment at iba pang mumunting gastos.
Ang ganitong maayos na pagsasama ay nanatili sa loob ng tatlong taon hanggang si Elena ay nakatagpo ng isang may edad nang lalaki na ang suspetsa namin ni Edna ay mayroong asawa.
Hindi namin gustong makialam sa pangsariling desisyon ng aming kaibigan hanggang magsimula siyang iuwi sa aming tirahan ang kanyang nobyo at doon pinatutulog.
Lumala pa ang sitwasyon dahil nagkatotoo na may asawa si Robert at nalaman na ang kanilang relasyon kaya iniiskandalo sila at pati kami ni Edna ay nadadamay.
Ayaw namin masaktan ang damdamin ng aming kaibigan kung sabihin na humanap na siya ng ibang matitirhan pero hindi namin mapapayagan na gawin niyang motel ang aming tirahan. Paano po ang tamang gawin para maimulat namin si Elena? Pagpayuhan n’yo po kami.
Maraming salamat.
Gumagalang,
Olga
Dear Olga,
Nakakalungkot isipin na ang mahabang panahon ng pagkakaibigan ninyo ay nagkakaroon ng pagitan dahil sa maling pakikipagrelasyon. Para sa akin, natural lang na magmalasakit kayo sa isang kaibigan na nabubulagan.
Subukan ninyong kausapin muli si Elena para maipaunawa sa kanya ang inyong kalooban. Pagkakataon din ito para minsan pa ay mapaaalalahanan ninyo siya na huwag sayangin ang pagiging edukada at mauwi sa pagiging kabit, na wawasak sa tunay na pamilya ng kanyang boyfriend. Kung makinig siya, mabuti. Pero kung hindi atleast hindi guilty ang pakiramdam ninyo na napabayaan ninyong maligaw ang isang kaibigan.
DR. LOVE
- Latest