Magulang o anak?
Dear Dr. Love,
Gusto ko pong ilapit sa inyo ang bumabagabag sa akin ngayon. Kapapanganak lang po ng aking nag-iisang anak na nasa Amerika at hinihiling niya na magbakasyon muna ako ng ilang buwan sa kanilang tahanan. Pero inaalala ko po ang maiiwanan kong mga magulang na mag-isa na rin sa aming bahay.
Una ko na pong sinubukan na kumuha ng magiging tagapag-alaga ng aking mga magulang na kapwa nag-uulyanin na pero walang nagtatagal. Dahil kapwa po sila bugnutin at napakasensitibo.
Hindi ko naman din po magawang maisantabi ang paghingi ng tulong ng aking anak na nagsisimula pa lang sa kanilang buhay pamilya. Kapwa sila nurse ng kanyang napangasawa at hindi pa sapat ang kita para kumuha ng mag-aalaga sa kasisilang ko palang na apo.
Ang kalooban ko po ngayon ay pagbigyan ang aking anak, dahil kung matutulungan ko siya hanggang maging establisado ang buhay nilang mag-asawa ay maaalalayan niya rin ako at ang kanyang lolo at lola sa pagpapagamot.
Pero hindi ko alam kung paano sasabihin sa dalawang matanda na hindi sila magdaramdam. Payuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Aling Dolores
Dear Aling Dolores,
Subukan mo muna na humagilap ng malapit na kamag-anak na may mahabang pasensiya at higit sa lahat ay mapagkakatiwalaan para maiparamdam mo rin sa iyong mga magulang na pansamantala lang ang pag-alis mo, dahil wala pang sapat na kakayahan ang kanilang apo na kapapanganak pa lamang.
Mahalaga rin na mai-orient mo ng mabuti ang kamag-anak na magiging karelyebo mo pansamantala sa pangangalaga ng iyong mga magulang. Tungkol naman sa pagsasabi sa kanila, ikaw lang ang makakatantiya kung kailan ang pinaka-tugmang pagkakataon. Dahil kilala mo sila.
Humanap ka lang ng magandang timing, sa tingin ko naman ay walang hindi madadaan sa mabuting usapan.
DR. LOVE
- Latest