Problema sa sustento
Dear Dr. Love,
Isang saganang pangungumusta sa inyo mula dito sa Jeddah, Saudi Arabia.
Maayos po naman ang aking kalagayan at trabaho rito, at wala akong pinapangarap kundi ang makauwi na agad pagkatapos ng aking kontrata. Nangungulila na ako sa aking mag-ina diyan sa Pilipinas.
Ang problema ko nga lang po ay ang aking ina at dalawang kapatid na mawawalan ng sustento kapag nakauwi na ‘ko. Hindi ko na kasi makakayang magbigay kung pang-lokal na lang ang empleyo ko.
Nakabukod na kaming mag-asawa pero hindi ako nakakalimot sa allowance para sa aking ina. Ang kapatid kong si Mila ang tumatanggap nito. Nakakapanlumo lang dahil wala na akong nakukuhang balita sa kanya kundi ang malaking pangangailangan ni nanay para sa pagpapagamot.
Sinabi ni Mila na sinubukan niya humingi ng dagdag na sustento sa aking asawa pero pinagmamaramutan daw siya nito. Napag-iisip tuloy ako dahil bukod sa ipinadadala ko ay may sariling kinikita ang asawa ko. Pero wala pa rin kaming naiipon para sa pangarap naming house and lot.
Ang pakiwari ni Mila ay ibinibigay ng aking asawa ang pera sa kanyang sariling pamilya, na nakapagpapindig sa aking tenga.
Mahal ko po ang aking mag-ina pero hindi ako pwedeng magkulang para sa pangangailangan ng aking ina. Ano po kaya ang mabuti kong gawin, Dr. Love?
Maraming salamat po at mabuhay kayo sa ginagawa ninyong tulong sa mga tulad ko.
Gumagalang,
Efren
Dear Efren,
Ang lahat ng impormasyon na nakukuha mo ay galing sa iyong kapatid, bakit hindi mo subukang kausapin ang iyong asawa, maging ang iyong ina para maging malinaw sa iyo ang tunay na sitwasyon. Mula rito ay saka ka makakapag-isip ng mas mabuting hakbang na hindi ka maghihinala laban sa sarili mong asawa.
DR. LOVE
- Latest