Namulat sa katotohanan
Dear Dr. Love,
Kumusta po Dr. Love Tawagin mo na lang akong Lyn, 21 anyos. Kasalukuyan po ay mayroon akong boyfriend na ka-live in ko na.
Nagkakilala kami ni Deo sa text. Sa aming tindahan ay may munti akong negosyong e-load.
Nang magpa-load siya sa akin, nagka-crush ako sa kanya kaya itinabi ko ang number niya. Nag-text ako sa kanya at nagpakilala. Hindi pala kalayuan sa amin ang tinitirhan niya.
Hindi siya nahirapang manligaw sa akin dahil talaga namang crush ko siya. Nagpasya kaming magsama na. Tutal pareho kaming nasa gulang na at may trabaho siyang maganda.
Sa nangyaring ito ay hindi matanggap ng aking ina na isa nang biyuda at nag-iisang kasama ko sa bahay.
Maligaya ang pagsasama namin ni Deo. Maluwag ang buhay namin dahil maganda ang kanyang kinikita.
Hanggang nalaman ko na lang na isa pala siyang pusher. Nang sinumbatan ko siya ay lumabas ang totoong ugali niya. Pinagbubuhatan na niya ako ng kamay. Ano ang gagawin ko?
Lyn
Dear Lyn,
Una sa lahat, ang pagsasama nang walang kasal ay labag sa Diyos.
Ngayon ay nabuksan ang iyong mga mata sa katotohanan. Isa pala siyang kriminal. Ang masasabi ko, kalimutan mong mahal mo siya.
Makipaghiwalay ka na sa kanya dahil baka hindi maglaon ay madamay ka pa sa krimen na ginagawa niya.
Kung mahal mo man siya, may kinabukasan kang dapat tanawin at tiyakin magiging mabuti. Wala akong nakikitang magandang future kung ipagpapatuloy mo ang relasyon kay Deo.
Dr. Love
- Latest

















