Isinauli ang mister sa biyanan
Dear Dr. Love,
Hello po at isang magandang araw sa inyo.
Ako po si Myrna, 50-anyos, may dalawang anak na kapwa dalaga na at nagsisipagtrabaho na pagkaraang makatapos sa kolehiyo.
Solong magulang ako, naitaguyod ko sila sa pamamagitan ng iba’t ibang hanap-buhay na pinasok ko dahil wala na akong maaasahan sa kanilang ama na laging bangag sa bawal na gamot at lango sa alak.
Hindi ko na po natagalan ang sitwasyon kaya isinauli ko sa aking biyanan ang kanilang anak, baka sakaling tumino pa sa kanila. Pinapili ko ang aking biyanan kung tatanggapin niya ang kanyang anak o mananatili ito sa amin pero magsustento sila para sa pangangailangan ng aming dalawang anak. Pinili niya ang aking mister.
Kung anu-ano po ang pinasok ko para matustusan ang pag-aaral ng mga bata, maging ang arawang kailangan namin. Nagtinda ako ng gulay at prutas sa palengke, nagho-home service ng gupit, manicure at pagme-make up kung may okasyon.
Ngayon po ay kapwa may trabaho na at sariling kita ang aking mga anak, ayaw na nila akong pagtrabahuhin. Samantalang palala nang palala ang bisyo ng aking asawa, nagsusugal na at nambababae. Hindi po ako pumayag nang gustong ibalik ng biyanan ko ang kanilang anak sa amin para raw may magtatanggol sa amin sa masasamang loob.
Ang inaalala ko lang po, hindi ko alam ang saloobin ng mga anak ko tungkol sa naging pasya ko. Dapat ko ba silang tanungin?
Maraming salamat po sa inyong payo at God bless you always.
Gumagalang,
Myrna
Dear Myrna,
Mas mabuti na malaman mo ang kanilang side tungkol sa sitwasyon ng inyong pamilya. Anong malay mo, may magandang suhestiyon sila para mas mapabuti ang samahan ninyong mag-anak.
DR. LOVE
- Latest