Nangangamba
Dear Dr. Love,
Kumusta, Dr. Love? Sana’y datnan kayo ng aking sulat na maligaya at walang problema. Sa kaso ko, may pakiramdam akong nabibingit sa pagkawasak ang aking pamilya.
Tawagin mo na lang akong Wendy (hindi tunay na pangalan) at ang problema ko ay tungkol sa mister kong nakatakdang mag-abroad para roon magtrabaho sa Germany.
Wala naman kaming financial problem dahil maganda ang trabaho niya rito sa Pilipinas. Mayroon na kaming maliit na bahay kahit hindi first class ang aming subdivision. Ang nagpipilit na magpunta siya at magtrabaho sa abroad ay ang aking mother in-law. Nag-asawa kasi ng German ang biyenan ko nang mabyuda at naroroon na siya at ang dalawa pa niyang anak.
Mahal na mahal ko ang asawa ko at sa loob ng tatlong taong pagsasama namin ay hindi ko matitiis na mawala siya sa piling ko.
Nangangamba ako dahil noon pang araw ay tutol ang biyenan ko sa akin. Duda ko’y gusto lang kaming paghiwalayin. Nangangamba ako na tuluyan na kaming maghihiwalay kapag nagtungo siya roon. Baka idiborsyo ako at mag-asawa ng citizen. Hindi ko na siya mapigil at tuloy na ang pag-alis niya. Ano ang gagawin ko?
Gumagalang,
Wendy
Dear Wendy,
Let us pray na hindi magpasulsol ang mister mo sa kanyang ina. Subukan mong kumbinsihin siya na huwag nang umalis. Naniniwala ako na kung aalis siya, dapat kasama ka o ang buo niyang pamilya kung may anak na kayo.
Huwag kang mag-atubiling sabihin sa kanya ang iyong pangamba. Sa ganoong paraan ay naipakikita mo sa kanya ang pagmamahal mo. Kung talagang mahal ka niya, kahit matuloy pa siya roon ay siya mismo ang gagawa ng paraan para hindi masira ang inyong relasyon.
Dr. Love
- Latest