Pinaghihinalaan
Dear Dr. Love
Masayang pagbati sa iyo Dr. Love. Kagaya ng iba, mayroon din akong suliraning ibig ikonsulta sa iyo. Itago mo na lang ako sa pangalang Merced, 28-years old at isang midwife by profession. Hindi ito ang tunay kong pangalan dahil kailangan kong ikubli ang aking tunay na pagkatao.
Hindi mo naitatanong, ako’y may kaibigang lalaking may-asawa. Kapitbahay lang namin ang lalaki pero dahil malapit kami sa isa’t isa, naipagkakamali ng iba na may relasyon kami.
Hindi totoo ito. Magkababata kasi kami at magkalaro noon pa kaya close kaming dalaÂwa. May suspetsa na ang mga kaanak ng kanyang misis na mayroon kaming relasyon.
Nang magsilang ng sanggol ang kanyang asawa ay ako ang nagpaanak pero sinamang-palad na mamatay pareho ang ina at ang sanggol.
Emergency situation kasi ang nangyari noon. Hatinggabi nang sumpungin ang misis niya at hindi na siya nakuhang dalhin sa pagamutan kaya ako na ang nagboluntaryo dahil pumutok na ang panubigan ng kanyang asawa.
Sa pagkamatay ng mag-ina, binabalaan ako ng mga magulang niya na idedemanda ako dahil sinadya ko raw patayin ito. Alam ng Diyos na ito’y kasinungalingan.
Natatakot ako sa maaaring gawin nila. Tulungan mo po ako.
Merced
Dear Merced,
Ipagdasal mong huwag matuloy ang pagdedemanda nila at kung sakaling mangyari iyan, kumuha ka na lang ng abogadong magtatanggol sa iyo.
Tutal, circumstantial lang ang ebidensya sa iyo at isa pa, hindi pa napapatunayan na mayroon nga kayong relasyon. Kung malinis ang konsensya mo, wala kang dapat ikatakot.
Kung wala kang ipantutustos sa abogado, dumulog ka sa Public Attorneys Office at bibigyan ka ng libreng serbisyo ng abogado.
Ginawa mo lang ang iyong pinanumpaang tungkulin at wala kang dapat ikatakot kung sakali man na may magdemanda sa iyo.
Dr. Love
- Latest