Nawalang parang bula
Dear Dr. Love,
My warmest greetings to you sir. Tawagin mo na lang akong Wendy, 27 anyos at isang bank teller.
Five years ago ay may asawa ako na bigla na lang nawala. Kasal kami pero nagkaroon kami ng tampuhan. Lumayas siya ng bahay namin at hindi na siya nakipag-communicate. Isang taon pa lang kami noon at wala pang anak.
Sinikap kong hanapin siya. Nagpa-publish pa ako sa diyaryo at nanawagan sa lahat ng radio at TV station pero walang nangyari. Pati mga kamag-anak niya ay ipinagkakaila siya hanggang sa nabalitaan kong namatay siya sa aksidente mag-iisang taon na ang nakalilipas.
Masakit lang ang loob ko na sa hindi ko malamang dahilan ay galit pati magulang niya sa akin. Maaaring may naisumbong siyang hindi maganda tungkol sa akin na alam kong hindi totoo.
May pinagseselosan kasi siya noon na hindi naman niya napatunayan dahil naninindigan akong hindi totoo. Kaya kahit patay na siya ngayon ay nakatanim sa puso ko ang matinding hinanakit. Gusto kong mawala ito alang-alang sa ikapapayapa ng kaluluwa niya. Ano ang gagawin ko?
Wendy
Dear Wendy,
Hindi ko kayo kilala at ‘di ako puwedeng humusga kung totoo o hindi ang paratang sa iyo. Pero I will take your word.
Kung totoong naging tapat ka sa kanya, wala kang kargo sa dibdib. Ngunit ang pinakamabigat na dala-dala mo ay ang iyong hinanakit.
Tandaan mo, habang nasa dibdib mo ang sama ng loob na iyan, ikaw din ang hindi matatahimik. Kaya hindi man siya humingi ng tawad, kalimutan mo na ang nakaraan, patawarin mo siya sa iyong kalooban para ikaw mismo ay magkaroon ng kapayapaan.
Dr. Love
- Latest